Kampo ng Army kinuwestyon ng solon MARTIAL LAW NA BA SA TONDO?

IKINABABAHALA ng isang mambabatas sa Kamara ang pagkampo ng mga sundalo sa Tondo partikular na sa Happyland at Aroma sa Barangay 105 at ang pangha-harass umano ng mga ito sa local leader ng Gabriela party-list.

Dahil dito, naghain si Rep. Arlene Brosas ng resolusyon para paimbestigahan sa House committee on human rights ang pagkampo sa nasabing lugar ng 11th Infantry Battalion ng Philippine Army mula pa noong Marso 9, isang araw matapos isagawa ang Women’s Day Act sa Mendiola.

“According to local community leaders, members of 11th IBPA have since been doing rounds and house-to-house visits, asking resident who participated in the March 8 demonstration in Manila,” ayon House Resolution (HR) 885 na inihain ni Brosas.

Isiniwalat din ng mambabatas na ang grupong ito ng mga sundalo ay unang itinalaga sa Negros Island at inilipat sa Tondo, Manila sa atas ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Kabilang umano sa binisita ng mga sundalo ang bahay ni Ma. Fe Hullipaz, pangulo ng Samahan ng Maralita sa Temporary Housing (SMTH) at Enrique “Ricky” Lozada na isang community leader.

“The soldiers reportedly asked for their contact details and Facebook accounts, and inquired about their activities of Gabriela in the community,” ayon pa sa resolusyon ni Brosas.

May hawak din umano ang mga sundalo ng larawan ng National Deputy Secretary ng Gabriela National Alliance of Women na si Rene Rose Bihag at iba pang lider ng nasabing organisasyon at tinatanong ang mga tao kung saan matatagpuan ang mga ito.

Sinabi ni Brosas na isang uri ng militarisasyon ang ginagawa ng Army sa Tondo, Manila kaya mistulang may martial law na umano sa nasabing lugar na maglalagay sa panganib sa karapatan ng mamamayan.

Hindi rin isinasantabi ng mambabatas na maaaring maglagay ng kampo ang militar sa iba’t ibang lugar sa National Capital Region (NCR) kapag hinayaang manatili ang 11th IBPA sa Tondo, Manila. (BERNARD TAGUINOD)

146

Related posts

Leave a Comment