KAPANGYARIHAN NG NFA PALALAKASIN SA RTL AMENDMENTS

SA gitna ng mga alegasyon ng katiwalian sa National Food Authority (NFA), bibigyan pa ito ng karagdagang kapangyarihan sa ilalim ng Rice Tariffication Law (RTL) amendments, na anomang oras ay pagtitibayin na sa plenaryo ng Kamara.

Ito ang napag-alaman mula kay House Committee on Agriculture chairman at Quezon Rep. Mark Enverga sa press conference kahapon, kaugnay ng pag-amyenda sa Republic Act (RA) 11203 o RTL.

Ayon sa mambabatas, bukod sa papayagan na uli ang NFA na mag-angkat at magbenta ng bigas kapag sumobra ang presyo nito sa merkado, ay bibigyan pa ito ng kapangyarihan na pasukin ang mga bodega ng rice traders.

“The highlights of the bill are authorizing NFA to require all grain warehouses, allows NFA to inspect warehouses to ensure compliance and standards of rice quality and supply,” pahayag ni Enverga.

Naniniwala si Enverga na kapag naipasa at naging batas ang panukala ay bababa ang presyo ng bigas ng P10 hanggang P15 kada kilo.

Gayunman, aminado si Enverga na magiging batas lang ang RTL amendments kung ipapasa ng Senado.

Tinututulan ng Senado na ibalik ang dating mandato ng NFA dahil sa katiwalian ngunit handa umano ang mga mambabatas na makipag-usap sa mga ito.

“Unawa ko si Senator (Cynthia) Villar sa pinanggagalingan niya dito. Totoo naman po na maraming issues but again, sa akin kasi, we know NFA has the technical know how, the expertise at siguro na-overlook po natin, mahalaga kasi dito we’re instilling monitoring,” paliwanag ni Everga.

Artipisyal Lang

Kaugnay nito, iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na magiging artipisyal lang o hindi totohanan ang pagbaba ng presyo ng bigas kung papayagang maibalik ang kapangyarihan ng NFA na bumili at magbenta ng bigas sa publiko.

Sinabi ni Pimentel na ang ganitong panukala ay magreresulta lamang sa pagbebenta ng NFA sa presyong palugi para lamang palabasin na mura ang bigas at abot-kaya ng publiko.

Subalit itatago lamang dito ang tunay na presyo ng bigas dahil isa-subsidize ng gobyerno o ia-absorb nito ang pagkalugi gaya ng dati.

Iginiit ng senador na kung gusto ng administrasyon ang makatotohanang pagbaba ng presyo ay dapat tugunan ang efficiency at pagpapasigla sa industriya ng palay upang maging makatwiran ang bentahan ng bigas.

Mas makabubuti anyang limitahan ang NFA sa pagbili ng lokal na palay at pag-iimbak para sa panahon ng kalamidad o emergency.

Nais din ni Pimentel na busisiin ang P9 billion na annual budget ng NFA para sa pagbili ng bigas. (BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

36

Related posts

Leave a Comment