MULING nadagdagan ang bilang ng mga nagpositibo sa coronavirus disease-2019 ngayong araw.
Halos umakyat na sa 13,000 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa, base sa ulat ng Department of Health (DOH).
Ayon sa ulat, may 224 bagong nagpositibo sa sakit kaya mayroon na itong total na nasa 12,942.
Sa naturang bulang, 174 ang mula sa National Capital Region; 33 mula sa iba’t ibang rehiyon; at pito sa Central Visayas.
Nasa 2,843 naman ang kabuuang bilang ng mga gumaling na pasyente ng COVID-19, dahil sa 114 new recoveries.
Samantalang ang total deaths ay nasa 837, matapos madagdagan ng anim ngayong araw.
Samantala, nadagdagan din ang bilang ng healthcare workers na nagpositibo sa COVID-19 sa Pilipinas.
Sa virtual presser, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na umakyat na sa 2,315 ang bilang ng medical workers na tinamaan ng nakahahawang sakit hanggang May 18.
Sa nasabing bilang, 1,306 ang aktibong kaso kung saan 333 ang asymptomatic, 968 ang mild, apat ang may severe condition at isa ang kritikal. D. ANIN
