KASO NG NINJA COP NA SI MAYO TINATRABAHO NG PADRINO SA PNP?

MALAKI ang paniniwala ng isang mambabatas sa Kamara na may mataas na opisyal na protektor o padrino ang naarestong umano’y ninja cop kamakailan sa Maynila.

Para sa Kamara, nakadududa na ang mabagal na imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) Special Investigation Task Group (SITG) sa kaso ni dating Police Master Sgt. Rodolo Mayo Jr. na nahulihan ng halos isang toneladang shabu.

Ayon kay House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers, anim na buwan na ang nakalipas simula nang mag-imbestiga ang PNP-SITG para alamin kung sino ang protektor ni Mayo na nahulihan ng tinatayang P6.7 billion shabu noong nakalipas na Oktubre, subalit hanggang ngayon ay wala pang resulta.

“Why is it that said PNP SITG is foot-dragging or dilly-dallying on their probe? Are they covering up for something we don’t know or are they still trying to make up a different script about his arrest and involvement in shabu stockpiling and possibly for recycling?,” tanong ni Barbers.

Si Mayo, na intelligence officer ng Drug Enforcement Group ng PNP ay sinibak na sa serbisyo kamakailan subalit walang impormasyon ang mambabatas kung ano na ang estado ng kanyang kasong kriminal.

Hindi naniniwala ang mambabatas na walang protektor si Mayo sa loob ng PNP.

“Nais ko, pati na siguro ng taongbayan, na malaman kung ano na ang latest update sa kaso ni Sgt. Mayo. Alam naman natin na hindi makakagalaw si Mayo mag-isa sa kanyang ilegal na gawain.

Gusto rin natin malaman kung ang nakumpiskang shabu sa Tondo ay mga naipon sa past anti-drug operations o ang mga ito’y bagong delivery from China,” ayon pa sa mambabatas.

Unang kinumpirma ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na ‘ninja cop’ si Mayo kaya ipinatapon ito sa Mindanao noong 2016 nang siya pa ang hepe ng pambansang pulisya.

Gayunpaman, nakabalik sa DEG si Mayo kahit may derogatory record, mula noong panahon nina dating PNP Chief Generals Archie Gamboa, Camilo Cascolan, Debold Sinas, Guillermo Eleazar, Dionardo Carlos, Vicente Danaoh hanggang sa panahon ni Rodolfo Azurin Jr., kung saan siya nahulihan ng 960 kilo ng shabu sa kanyang lending firm office sa Tondo, Manila. (BERNARD TAGUINOD)

262

Related posts

Leave a Comment