Kaso sa ICC dapat ituloy ‘SMALL-TIME’ LANG NAPARUSAHAN SA WAR ON DRUGS

KAILANGAN pa ring papasukin ang International Criminal Court (ICC) para mag-imbestiga sa war on drugs dahil pawang low ranking police officers ang nasentensyahan.

Bukod dito, dalawang kaso lamang sa libu-libong biktima ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nabigyan ng hustisya.

Pahayag ito ni Bayan Muna chairman at dating Congressman Neri Colmenares.

Ikinatuwa rin nito na sa wakas ay nakamit na ng pamilya nina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo ‘Kulot’ de Guzman ang hustisya nang sentensyahan ni Navotas Regional Trial Court (RTC) Judge Judge Romana Lindayag del Rosario ang dating pulis na si Jeffrey Sumbo Perez ng reclusion perpetua dahil sa pagpatay sa mga biktima sa kasagsagan ng war on drugs noong 2017.

Ang kaso nina Arnaiz at De Guzman ay pangalawa sa kaso ng war on drugs na nabigyan ng hustisya dahil noong 2018 ay nasentensyahan na rin ng habambuhay na pagkabilanggo ang mga dating pulis na sina Arnel Oares, Jeremiah Pereda at Jerwin Cruz sa pagpatay sa binatilyong si Kian delos Santos noong 2017.

“This conviction, does not in any way detract us from our assertion that the justice system in the Philippines is inhospitable to human rights prosecution,” pahayag ni Colmenares.

Ipinaliwanag nito na mahigit 7,000 ang napatay sa police operations bukod sa mahigit 30,000 na biktima ng extrajudicial killings ang naghahanap ng hustisya kaya hindi sapat ang parusang iginawad ng korte sa mga pulis na pumatay kina Delos Santos, Arnaiz at De Guzman.

“The prosecution of a few cases against low ranking policemen in the thousands of killings is proof that genuine investigation of the International Criminal Court (ICC) is necessary for the families to achieve justice,” ayon sa dating mambabatas.

Kailangang panagutin aniya si Duterte at mga kasabwat nito na matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa war on drugs ng mga ito bago magkaroon ng tunay na hustisya.

Gayunpaman, hanggang ngayon ay hindi iniimbestigahan ng gobyerno si Duterte. (BERNARD TAGUINOD)

120

Related posts

Leave a Comment