Kindergarten nga in-person classes na – solon FULL F2F PLENARY SESSION IGINIIT

KUNG ang mga Kindergarten pupil ay 100 percent nang pinagre-report sa eskwelahan, nararapat lamang na personal na ring pumasok sa kanilang sesyon sa plenaryo ng Kamara ang mga kongresista.

Ito ang nilalaman ng House Resolution (HR) 859 na inakda ng Makabayan bloc sa Kamara na humihiling sa liderato ng kapulungan na ibalik na ang full face-to-face plenary session.

“It is unfortunate and ironic that while the country has mandated all school age children from the youngest Kindergarten pupil to the oldest college student and all workers and employees in public and private offices and workplaces to return to pre-pandemic face-to-face reporting, this is not so with the Members of the House of Representatives,” ani ACT party-list Rep. France Castro.

Hanggang ngayon ay ipinatutupad sa Kamara ang Rule XII na pinapayagan ang hybrid session at maging ang mga committee hearing kung saan hindi na kailangang personal na dumalo ang mga kongresista sa kanilang sesyon o kaya sa pagdinig sa mga komite dahil maaari silang magtrabaho sa bahay basta konektado lamang sa social media platform na ginagamit ng kapulungan sa pagtupad sa kanilang tungkulin.

Ang nasabing House rules ay ginawa noong kasagsagan ng pandemya sa COVID-19 subalit hanggang ngayon ay hindi pa ibinabawi kaya mas marami pa ring mambabatas ang hindi pumapasok nang personal sa Batasan Pambansa.

“Di ba medyo nakakahiya na ang mga batang paslit ay naka-face-to-face na mula pa nung isang taon habang ang mga kinatawan naman ay naka-zoom pa din?!” ani Castro.

Sa mga nakaraang sesyon ng Kamara, hanggang 40 lamang ang warm bodies o present sa session hall habang ang natitira ay nagtatrabaho sa pamamagitan ng Zoom.

“Mas mahusay sanang marerepresenta ng mga kinatawan ang mga naghalal sa kanila kung sila mismo ay nasa plenaryo at kasama sa mga debate at diskusyon sa mga panukalang batas at mga isyu na kinakaharap ng bayan,” ayon pa sa mambabatas.

“Sana ay pakinggan ito ng liderato ng Kamara upang mas malaman din ng mamamayan ang nangyayari sa loob mismo ng Batasan,” dagdag pa ni Castro.

Tinangkang kunan ng pahayag hinggil dito ang liderato ng Kamara subalit wala pa silang tugon habang isinusulat ito. (BERNARD TAGUINOD)

107

Related posts

Leave a Comment