BIGO pa rin ang Marikina Local Government na sagutin ang Commission on Audit (COA) sa kinukuwestiyong P600-M COVID-19 procurement transactions ng lungsod na pawang hindi dumaan sa kumpletong documentation.
Sa 2020 annual audit report ng COA sa Marikina City Government, sinabi nito na P200.51 M ang inaward nitong kontrata sa iba’t ibang supplier na walang documentation habang wala ring transparency sa P457.66M pa na procurement deals sa ilalim ng emergency purchase ng Bayanihan I at Bayanihan II funds.
Sinabi ng COA audit examiners na dahil emergency purchase transactions ang paggamit sa pondo ay mahalaga ang documentary requirements, malinaw itong nakasaad sa Government Procurement Policy Board Circular No. 01-2020( RA 9184) at Presidential Decree 1445 o Government Auditing Code of the Philippines.
Lumitaw na ang transaksyon ng lungsod sa pagbili ng mga COVID materials ay hindi naipaskil sa Government Procurement Policy Board online portal, ang pagpapaskil ng mga transaksyon ay itinatakda para sa transparency at accountability sa government procurements.
“Mayor Marcelino Teodoro should require the Bidding and Awards Committee (BAC) to comply with the posting requirements for government transactions to ensure transparency and accountability”, nakasaad sa COA report.
Inatasan din ng COA si Teodoro na ipaliwanag ang hindi pagpapaskil ng procurement projects ng lungsod. Iginiit ng COA na ang pagtiyak na nasusunod ang panuntunan sa procurement ay responsibilidad ng alkalde.
“Examination of the 48 disbursement vouchers with total contract cost of P200,516,330.00 revealed that 34 procurement transactions were not supported with Mayor’s Permit and Business/Income Tax returns, while 36 of which had no Omnibus Sworn Statement,”ayon pa sa report.
Bukod sa kuwestiyunableng transaksyon, pinuna rin ng COA ang late deliveries sa mga biniling supply ng Marikina LGU kung saan hindi pinatawan ng penalty ang mga supplier.
“13 purchase orders totaling P20.585 million in CY 2020 were made beyond the delivery terms specified in the POs (purchase orders) and total penalties of P.502 million were not imposed on late deliveries,” giit pa ng COA. (ABBY MENDOZA)
112