NI BERNARD TAGUINOD)
MAYROONG 12 taong pagkakakulong, multa at pagkansela sa kanilang business permit ang kakaharapin ng mga opisyales ng isang kumpanya o negosyo na tatanggihan ang mga babaing aplikante dahil sa 105 days maternity leave law.
Ito ang babala ng Gabriela party-list group sa mga negosyante matapos lumutang ang posibilidad na hindi na kukuha ng mga babaing staff matapos maging batas ang Republic Act (RA) 11210 o Expanded Maternity Leave Law.
“Labag ito sa Magna Carta of Women at sa mismong RA 11210 o Expanded Maternity Leave Law dahil nakasaad dito mismo ang pagbabawal sa diskriminasyon sa mga aplikanteng kababaihan. Kapag nilabag nila ito, posibleng magbayad ng multa ang kumpanya,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.
Sa ilalim ng nasabing batas, mahigpit na ipinagbabawal ang diskriminasyon sa mga kababaihan at sinuman ang lalabag dito ay P20,000 hanggang P200,000 at kulong mula anim na taon hanggang 12 taon.
Nakasaad ito sa Section 16 at 18 ng RA 11210 na nagbabawal sa diskriminasyon sa mga kababaihan at parusa kaya kailangang sumunod umano ang mga negosyante kung ayaw ng mga ito na magkaroon ng problema .
Kabilang sa mga makakasuhan ay ang mga managing heads ng isang kumpanya kasama na ang mga directors at mga partners, bukod sa hindi na irerenew ang kanilng business permit.
“Sa halip na pairalin ang diskriminasyon, dapat kilalanin ang produktibong ambag ng kababaihan sa ekonomiya at ang likas na katangian nila sa pagbubuntis. Women should not be forced to choose work over healthy pregnancy. Parehong karapatan ito na dapat kilalanin,” panawagan naman ni Rep. Emmi de Jesus.
Hinihintay na lamang ang Implemeting Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas para pormal na itong ipatupad kung saan mula sa kasalukuyang 60 days na maternity leave ang magiging 105 days na ito na buo ang bayad at may opsyon pa ang mga manganganak na empleyado na palawigin ito ng 15 days na walang bayad habang karagdagang 15 days naman sa single mother na kumpleto ang matatanggap na sahod sa pinagtatrabuhang kompanya.
148