(NI NOEL ABUEL)
MAY pasasabugin si Senador Panfilo Lacson laban kay Health Sec. Francisco Duque na may kinalaman tungkol sa PhilHealth para makasuhan ng plunder sa Office of the Ombudsman.
Ayon sa senador, mas malaki at higit na mas matindi umano ang ibubulgar nito sa mga darating na araw para patunayang umabuso sa tungkulin si Duque.
“Maliwanag na plunder. Isang dokumento na lang hinihintay ko,” sabi nito.
“Meron na naman, mas malaki pa. Mas grabe pa hindi lang ito lease ng building niya kundi may family corporation involved na meron na naman kinalaman tungkol sa PhilHealth o tungkol sa DOH mismo,” ayon kay Lacson sa panayam sa radyo.
Aniya may hinihintay pa itong dokumento para higit na patunayan ang akusasyon nitong may iregularidad sa pamumuno ng kalihim sa ahensya.
“May hinihintay akong last document. May hawak akong mga dokumentong, karamihan ng document na dumarating sa amin, galing din sa loob eh. Kasi sa tinagal-tagal ng panahon nakikita nila ang namumuno sa PhilHealth pinaglalaruan ang pera,” sabi nito.
“Ang kwenta nila for the last 5 years lang, P154 bilyon ang nalustay. ‘Yan ang kwento nila. At ito alam mo, nagpasa na tayo ng Universal Health Care Act. Ang pondong hinihingi ng DOH P257B, na pondo lang sa nakaraang GAA para sa 2019, P217 bilyon so may funding gap pa na P40 bilyon. Nagpasa tayo sin tax kung inaasahan earmark sa UHC P22B so may kulang P18 bilyon. Daan-daang bilyon pinag-uusapan natin tapos nakakarinig tayong nilulustay nila P154 bilyon only for the past 5 years. Siyempre empleyado roon di kabahagi ng kalokohan doon, ngayon sila namumulat, tumulong na tayo sa pagbubulgar,” dagdag pa ni Lacson.
Sinabi pa nito na sa oras na makumpleto na ang hawak nitong ebidensya ay ibibigay ito kay Pangulong Rodrigo Duterte para pag-aralan.
“Pag kumpleto na. Sa ngayon substantial. Pero mas maganda ang makarating hanggang logical conclusion. Meron akong isang dokumento na lang na hinihintay pag dumating sa akin ibabahagi ko rin sa inyo ‘yan. Mahirap ang kapos, mabuti ang kumpleto na dokumento. Kaya sabi ko substantial enough to at least suspect na may mas malaki pa ito, mas mabigat,” giit pa nito.
141