(NI BETH JULIAN)
TAMBAK ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa mga isasagawang lifestyle check sa isang katerbang mga opisyal ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Sa press briefing sa Malacanang, sinabi ni PACC Commissioner Greco Belgica, maliban sa lifestyle check na isinasagawa laban sa mga opisyal ng PCSO, nakalinya ring imbestigahan ang uri ng pamumuhay ng ilan pang opisyal at kawani ng Bureau of Internal Revenue.
Sa ngayon ay may 13 mga taga BIR na ang kanilang naaresto, pinasuspinde at kinasuhan kaya naman isang full blown investigation ang nakatakda nilang gawin laban sa mga kinasasangkutang kaso ng mga taga BiR.
Ayon kay Belgica, paulit ulit lamang ang kaso laban sa mga opisyal ng BIR kaya ang nakikita nila ay matinding problema sa sistema nito.
Samantala, nasa listahan din ng PACC ang lifestyle check laban sa mga opisyal ng DENR at DPWH kabilang ang mga District Engineers, Regional District Officers, at Undersecretary.
Ayon kay Belgica, kaliwa’t kanan na ang nakahain sa kanila laban sa mga nasabing opisyal at hindi nila dapat na ipagwalang bahala.
Tiniyak ni Belgica na magsasanga sanga ang gagawin nilang imbestigasyon dahil mayroong iba pang mga personalidad na siguradong matuturo sa pananagutan.
Sa kaso ng PCSO, 15 statement of assets liabiliities and net worth and kanila nang hawak at binubusisi.
Kabilang sa mga reklamong titingnan ng PACC ay ang mga kulang ng mga palaro, issues sa mga nilabag na IRR at maging ang lahat ng mga resolusyon ng board ng PcSO ay ipinasa na sa kanila para matingnan kung nalugi ba ang gobyerno o kung may nilabag na batas.
Sinabi ni Belgica na anumang rekomendasyon ng gagawa ay isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa tanggapan ng Ombudsman.
162