LOCALIZED LOCKDOWN SA NCR, HIHIGPITAN

MAGIGING agresibo ngayon ang gagawing pagpapatupad ng barangay lockdown Sa Metro Manila.

Sa ginanap na pagpupulong sa Malakanyang, sinabi ni Department of Interior and Local Government Sec. Eduardo Año, na bagama’t lumiliit na ang bilang ng mga nasasawi dahil sa COVID-19, hindi naman nagkakaroon ng pagbaba ang mga tinatamaan nito.

Ayon pa kay Sec. Año, ito ang dahilan kung kaya’t pinalawig pa hanggang June 30 ang ipinatutupad na general community quarantine (GCQ) sa buong Kamaynilaan.

Nauna rito, inihayag ng Kalihim na noong Sabado ng gabi, nakipagpulong siya at ang mga miyembro ng IATF sa mga alkalde ng NCR at napagkasunduan na masusing i-monitor at tutukan ang mga barangay o lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.

Tiniyak naman ni Sec. Año, na handang-handa na ang DILG, PNP, BJMP at BFP na ipatupad ang inaprubahan ni Pang. Duterte na bagong community quarantine classification.

Kaugnay nito, sa kanyang Talk to the People Address kamakalawa ay isinailalim ni Pangulong Duterte ang Cebu City sa enhanced community quarantine (ECQ) simula kahapon.

Ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso at paglaganap sa komunidad ng pagkahawa at consistent case doubling time ng less than seven (7) days at significant increase sa critical care utilization laban sa critical care capacity ang mga dahilan kung bakit ibinalik ang Cebu City sa ECQ.

Ang Talisay City naman, component city ng Cebu, ay inilagay sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang Hunyo 30, 2020, para sa kaparehong dahilan.
Ang Metro Manila ay nsa ilalim pa rin ng GCQ.

Isinailalim din sa GCQ hanggang katapusan ng buwan ang mga lugar ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Santiago City sa Region II; Aurora, Bataan, Bulacan, Tarlac, Olongapo City sa Region III; Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, at Occidental Mindoro sa Region IV-A para sa Luzon.

Para naman sa rehiyon ng Visayas, ang Bohol, Cebu, Negros Oriental, Siquijor,  Mandaue City, Lau-Lapu City sa Region VII ay inilagay sa ilalim ng GCQ.

Habang sa Mindanao, ang Davao City at Zamboanga City ay isinailalim sa GCQ.

Ang natitirang bahagi ng bansa ay nananatili sa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) hanggang Hunyo 30, 2020. (CHRISTIAN DALE)

78

Related posts

Leave a Comment