(NI BETH JULIAN)
INAMIN ni Presidential spokesperson Atty. Salvador Panelo na walang magagawang hakbang ang pamahalaan para sa mga kawani ng lotto outlet at STL operations na nawalan ng trabaho dahil sa pagpapatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte sa operasyon nito.
Sa press briefing sa Malacanang, ikinatwiran ni Panelo na kaya namang maka-survive ng mga Filipino sa tuwing may ganitong inaasahang sitwasyon.
Hindi dapat i-under estimate, ayon kay Panelo, ang kakayahan ng mga Filipino dahil nagagawan ito ng paraan sa tuwina para mairaos ang buhay.
Naniniwala si Panelo na hindi naman maghihirap agad ang mga operator ng lotto at STL dahil tiyak namang nakapag-ipon ang mga ito sa panahong operational pa ang kanilang mga outlet.
Sinabi ni Panelo na posibleng mabibigyan din ng tulong ng pamahalaan ang mga naapektuhang empleyado ng lotto at STL outlet.
Katwiran pa ni Panelo, kung dati ay wala namang lotto outlet at STL at hindi pa sila empleyado ay nabubuhay naman sila kaya hindi imposibleng kaya pa rin nilang makaraos sa buhay ngayon.
157