MAGBIBIGAY ang Philippine Red Cross sa pamamagitan ng Samaritan program ng libreng convalescent plasma sa mahihirap na biktima ng corona virus 2019 (COVID-19) upang paigtingin ang kampanya laban sa sakit, ayon kay Senador Richard Gordon.
Sa pahayag, ipinaliwanag ni Gordon, chairman at CEO ng PRC na maghahandog ng pag-asa ang Samaritan program dahil titiyakin nito na kahit sinong hindi kayang magbayad, mabibigyan ng convalescent plasma.
“Gagawa din tayo ng Samaritan program para sa convalescent plasma para sa mahihirap para hindi lang pang- mayaman ‘yan. ‘Yung makakalap nating pera ay maitulong natin doon sa mahihirap na mangangailangan ng dugo na ganyan nang sa ganun mabuhay ang mga kababayan natin. Malaking bagay ‘yan sa mga tao na umaasa,” aniya.
Ilan pang Samaritan program ng PRC kabilang ang Blood Samaritan, Dialysis Samaritan, COVID Samaritan at ang General Good Samaritan.
Sinabi ni Gordon, sinomang indibiduwal o kompanya na gustong mag-donate, puwede siyang tawagan o ang PRC upang maisaayos ang kanilang donasyon.
Sa ilalim ng convalescent plasma therapy, ang blood plasma mula sa nakaligtas na pasyente sa COVID-19 ay isasalin sa pasyenteng kumakalaban sa sakit, mayroong neutralizing antibodies ang convalescent plasma na makatutulong sa tumanggap nito na labanan ang impeksiyon.
Umaabot sa P30,000 hanggang P50,000 bawat unit ng isang bag ng convalescent plasma apheresis product sa mga ospital ng gobyerno dahil dumadaan sa serye ng pagsusuri at proseso ang dugo. Mas mataas ang halaga sa pribadong ospital. (ESTONG REYES)
