‘MAKAKALIWANG’ SOLONS INUPAKAN NI ALBAYALDE

albayalde

(NI NICK ECHEVARRIA)

KINONDENA ni Philippine National Police (PNP) Chief P/General Oscar Albayalde ang mga grupo na patuloy na sumusuporta sa mga kalaban ng estado at sinasamantala ang paggamit sa search warrant operations na ikinamatay 14 na magsasaka sa Negros Oriental bilang propaganda laban sa gobyerno.

Ginawa ni Albayalde ang pahayag sa gitna ng panawagan ng mga makakaliwang mambabatas sa kanyang pagbibitiw sa puwesto kaugnay sa nangyaring insidente.

Binigyang-diin ng PNP Chief na pinatutunayan lamang ng mga ito sa publiko kung sino ang mga nasa poder na sumusuporta sa kilusang makakaliwa at nagnanais na mapatalsik ang isang legitimate na gobyerno na halal ng bayan.

Idinagdag pa ni Albayalde na kung may delikadesa ang mga taong ito, sila ang dapat na matagal nang nagbitiw sa kanilang mga posisyon at huwag magpasasa sa mga pribilehiyo na nanggagaling sa pawis ng mamamayang Filipino.

Matatandaang tinanggal sa puwesto ni Albayalde sina P/Col. Raul Tacaca, director ng Negros Oriental provincial police office, Lt. Colonel Patricio Degay, hepe ng Canlaon City police station, Lt. Kevin Roy Mamaradlo ng Manjuyod municipal police station at  P/Capt. Michael Rubia, chief ng Sta. Catalina police para bigyang daan ang impartial investigation sa nangyaring police operations.

Tiniyak din ng hepe ng pambansang pulisya na gumugulong na ang imbestigasyon ng PNP Internal Affairs Service at naglalayong ipakita ang patas, makatotohanan at tunay na hustisya.

Muli namang nilinaw ni Albayalde na ang pagkakasibak sa apat na opisyal ng  PNP sa Negros Oriental ay hindi bilang kaparusahan sa halip para maiwasan na maimpluwensyahan ang imbestigasyon.

 

75

Related posts

Leave a Comment