(NI KEVIN COLLANTES)
SINUSPINDE ng Department of Transportation (DOTr), sa pamamagitan ng kanilang Investigation Security and Law Enforcement Staff (ISLES), ang tatlong Private Emission Testing Centers (PETCs) sa Luzon.
Napatunayan umanong nandaraya ng emission test results ang Subicpro Commodities Corporation, sa 33-C Lot 57-A, Unit A, Faith St., SBGP, Phase 1, Subic Bay Freeport Zone; RLW Emission Testing Center sa Mabiga, Mabalacat, Pampanga at ang Navaeh Bea Emission Test Center sa 28 A. Soriano Highway, Daang Amaya I, Tanza, Cavite kaya’t inisyuhan ng DOTr-ISLES ng preliminary suspension order (Department Order 2016-017).
Ayon sa DOTr, epektibo ang naturang suspension order sa loob ng tatlong buwan o 90-araw.
Kaugnay nito, pinadalhan na umano ng DOTr na kopya ng suspension order ang mga naturang PETCs at maging ang kanilang IT Service Provider.
Binalaan pa ng departamento ang naturang IT Service Provider na mahaharap rin sa suspensiyon kung babalewalain ang kanilang kautusan at ipagpapatuloy ang pagproseso ng mga data na ipinapadala sa kanila ng mga ito.
223