(NI BERNARD TAGUINOD)
UPANG masiguro na walang adik s Kongreso, kailangang magkaroon ng mandatory drug test sa mga mambabatas, kasama na ang kanilang mga staff at mga empleyado ng kapulungan.
Ito ang muling iginiit ni House committee on dangerous drugs chair Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte bilang bahagi ng “drug-free Congress” campaign at pagtugon na rin sa anti-drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasama rin sa dapat aniyang sumailalim sa drug test ay ang mambabatas na kasama sa Narco-list ni Duterte.
Magugunita na kasama ang pangalan nina Leyte Rep. Vicente Veloso at Zambales Rep. Jeffrey Konghun na muling nahalal noong nakaraang eleksyon at magiging miyembro ng 18th Congress habang ang ikatlong solon sa narco-list ng Pangulo na si Pangasinan Rep. Jesus Celeste ay tapos na ang termino ngayong 17th Congress.
“While some may claim that it is unnecessary, I think all members of the incoming 18th Congress and their staff should submit themselves for a mandatory drug testing,” ani Barbers
Sa ngayon ay sumasailalim umano sa drug test ang mga sundalo, pulis, public at private officers kaya nararapat lamang na sumailalim ang mga mambabatas sa nasabing pagsusuri.
Noong nakaraang taon, inihain ni Barbers ang House Resolution No. 15 para sa mandatory test sa mga mambabatas at mga empleyado ng mga ito subalit hindi ito pinagtibay ng Kongreso.
Dahil dito, muling ihahain umano ng mambabatas ang nasabing resolusyon na kapag pinagtibay o inaprubahan sa 18th Congress ay magkaroon ng mandatory drug test sa mga mambabatas,kanilang mga staff at mga empleyado ng Kapulungan.
Sinuman tatanggi sa mandatory drug test ay hindi umano ire-release ang kanilang suweldo, benepisyo at papatawan ng kaukulang parusa na nakabase sa civil service law.
“We, the incoming members of the 18th Congress and our staff, should all come in ‘clean’ and be free from negative suspicion by submitting ourselves to a mandatory drug test,” ayon pa kay Barbers.
163