(NI ABBY MENDOZA)
HINILING ni Marikina Rep. Stella Quimbo sa House of Representatives na imbestigahan ang posibleng pagmamanipula sa presyo ng produktong petrolyo.
Sa House Resolution 390 na inihain ni Quimbo, sinabi nito na dapat ungkatin ng Kamara ang biglaang pagsipa ng presyo ng langis noong nakaraang Linggo gayong malinaw sa circular ng Department of Energy na dapat mayroong imbentaryo ng suplay ng langis ang mga oil companies para sa 15 araw habang ang mga refinery ay hanggang 30 araw.
“Sabi ng DOE, as of June 2019, ang imbentaryo ng oil companies ay sapat para sa 37 days. Kung ito ang kanilang inventory patterns, lumalabas na ang ibinebenta nila ngayon ay nabili na nila nang at least isang buwan pa bago pa mag-drone attacks. Kung ganito, wala pang basehan ang oil companies na magtaas ng presyo. Kaya ang tanong ko: baka naman palusot lang ang drone attacks? Sa Singapore, isang bansa na nag-i-import ng lahat ng pangangailangan nilang langis, bakit hindi pa sila nagtataas ng presyo ng gasoline?”paliwanag ni Quimbo.
Naniniwala si Quimbo na isa sa dahilan ng pagtaas ng presyo ng gasolina ay ang hindi tamang paggamit ng pricing formula ng DOE.
Sa ilalim ng pricing policy ng DOE, pinahihintulutan ang oil companies na mag-adjust ng kanilang gasoline prices kada linggo at ang recommended day of effectivity ay tuwing Martes, nakabase ang formula na ito sa Mean of Platts Singapore(MOPS) na gumagalaw rin linggo-linggo depende sa prevailing price sa global market.
“Base sa aking pag-aaral, hindi ito nakakabuti para sa Filipino consumers. Una, pwedeng weekly ang adjustments kahit maaaring hindi naman weekly bumibili ng langis ang oil companies mula sa ibang bansa. Higit pa rito, ang pagbibigay ng DOE ng isang recommended fixed schedule ng price adjustment ay pwedeng magdulot ng tinatawag naming mga ekonomista na ‘parallel pricing’.
Ito ay ang paggagayahan ng mga kompanya sa pagtatakda ng presyo. Kaya’t hindi rin tayo dapat magtaka na pare-pareho ang isinusumiteng price adjustments ng oil companies,” giit ni Quimbo.
Iginiit ni Quimbo na dapat baguhin ng DOE ang patakarang ito at huwag pilitin ang mga kumpanya ng langis na sabay sabay na magaadjust ng presyo dahil hindi ito nakakabuti sa mga konsyumer dahil maaaring kada linggo ay gumalaw ang presyo ng langis sa local market kahit hindi naman lingguhang bumibili ng langis ang oil companies mula sa ibang bansa.
“Huwag pilitin ang mga kompanya na sabay-sabay mag-adjust ng presyo. Let’s make the gas companies submit their adjusted prices when it is truly justifiable. Dapat din na ang basehan ng presyo ay ang aktuwal na ginastos ng mga kompanya. These will partially stop parallel pricing,” paliwanag pa ng lady solon.
200