MARCOS KUMAMBYO SA PLANONG FISHING BAN

BINAWI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naunang ulat na tinitingnan na niya ang pagpapatupad ng fishing ban at iba pang restriksyon sa ilang lugar partikular na sa mga lugar na inilaan para sa fish breeding at propagation para tugunan ang overfishing.

Sa kanyang pagdalo sa launching ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Nabua, Camarines Sur, ipinaliwanag ni Marcos na hindi lang maganda ang pagkapaliwanag niya kaya lumabas na tila nais niya ng fishing ban.

“Kung minsan kailangan ‘wag uubusin yung isda para sa next season mayroon pa. Kaya yun yung tinitingnan natin ngayon,” ayon sa naunang pahayag ng Pangulo.

“At may mga lugar na hindi dapat gawin palaisdaan dahil ito nga ay para sa breeding,” dagdag na wika nito sabay sabing “Para dumami ang population ng mga isda. Kaya ‘yun ang ating pinaplano.”

Tinuran pa ng Pangulo na ang pagde-develop sa Philippine agriculture ay hindi lamang nangangahulugan na tiyakin ang suplay ng bigas at mais kundi para paghusayin ang palaisdaan at livestock o paghahayupan.

Ayon sa Punong Ehekutibo, ang 30% ng mga nahuhuling isda ay “degraded or damaged.” Dahil dito, magtatatag ang gobyerno ng mas maraming cold storage para tugunan ito.

“Walang cold storage. Kaya nagtatayo tayo ng cold storage. Doon naman sa mga maliliit na bagsakan ay magbibigay tayo ng gawaan ng yelo, para ‘yung yelo na ‘yan, ‘yun ‘yung ilalagay nila sa bangka para pag may nahuli sila, ilalagay lang doon sa yelo at hindi masira ‘yung isda,” ayon sa Chief Executive.

(CHRISTIAN DALE)

143

Related posts

Leave a Comment