MARCOSES TABLADO SA REAL TAX AMNESTY EXTENSION BILL

(BERNARD TAGUINOD)

INAPRUBAHAN na sa House committee on ways and means ang panukalang batas na palawigin ng dalawang taon pa ang estate tax amnesty.

Gayunman, malabong mapabilang sa mga makikinabang dito ang pamilya Marcos.

Nang tanungin kasi ni ACT party-list Rep. France Castro ang Bureau of Internal Revenue (BIR) kung makikinabang dito ang pamilya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay sinabi ng ahensya na hindi base sa Republic Act (RA) 11213 o “Tax Amnesty Act of 2019”.

Nakasaad kasi anila sa Section 9 na “The Estate Tax Amnesty under Title II of this Act shall not extend to estate tax cases which shall have become final and executory and to properties involved in cases pending in appropriate courts”.

Noong 1999, naglabas ng pinal na desisyon ang Korte Suprema na pinagbabayad ng P23 Billion Estate Tax ang mga Marcos na umaabot na ngayon sa P203 Billion dahil sa penalties at surcharges matapos mabigong bayaran ng mga ito ang nasabing buwis.

Samantala, inaasahan naman na agad iaakyat sa plenaryo ang nasabing panukala para sa ikalawa at ikatlong pagbasa upang maging batas ito bago mapaso sa Hunyo 24, 2023.

Sa ilalim ng nasabing panukala, hindi na sisingilin ng penalties at surcharges ang mga real property owner basta bayaran ng mga ito ang amilyar ng kanilang mga ari-arian na hindi nabayaran.

Sa pagdinig ng nasabing komite kahapon na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda, mahigit 9 million pamilyang Pilipino umano ang makikinabang sa nasabing batas.

Ayon kay Salceda, mahigit isang milyong ektarya ng lupain ang hindi pa nakakabayad ng buwis dahil sa iba’t ibang problema tulad ng pagkamatay ng tunay na may-ari ng mga ito.

Ito ang target na bigyan ng pagkakataon para makapagbayad ang mga ito ng buwis lalo na’t napurnada ang nasabing batas matapos manalasa ang COVID-19 noong 2020 hanggang 2021.

128

Related posts

Leave a Comment