(NI BERNARD TAGUINOD)
NAGKAROON na ng mass lay-off sa gobyerno matapos hindi tuparin ni Budget and Managemeng (DBM) Secretary Benjamin Diokno na mananatili sa kanilang trabaho ang contract at job order workers sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Kinumpirma ito ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate matapos suspendehin ng DBM, Commission on Audit (COA) at Civil Service Commission (CSC) ang Joint Circular No.1 ukol sa contractual at job order employees sa gobyerno.
Nabatid na ang mga contractual employees at job order services sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang unang tinamaan sa mass lay-off sa sinuspindeng nasabing circular.
Sinabi ng grupo ni Zarate ang 1,838 ang empleyado ng DSWD na pawang job order at contractual ang natanggal umano sa trabaho dahil hindi tumupad sa kanyang pangako si Diokno.
“Hindi lang pala nadelay ang dagdag sahod para sa mga kawani ng pamahalaan kundi matatanggal pa ang karamihan sa kanila sa trabaho,” ayon pa sa kongresista.
Ang nasabing circular noong 2017 na magtatagal hanggang Disyembre 31, 2020 ay ginawa ng tatlong nabanggit na ahensya na nagbibigay ng otoridad sa mga ahensya ng gobyerno na kumuha ng mga contractual at job order service.
Gayunpaman, sinuspinde ito ng tatlong ahensya sa pangunguna ng DBM at CSC subalit pinangakuan umano ang mga contractual employees na mananatili sila sa kanilang trabaho subalit hindi tinupad sa gitna ng pagkakadelay ng 2019 national budget matapos mabigo ang Kongreso na maipasa ito noong Disyembre 2018.
“Ngayon dahil sa awayan sa pork sa 2019 budget ay nahohostage ang dagdag sahod ng mga kawani ng gobyerno at madami pa ang matatanggal,” ayon pa kay Zarate.
201