(NI CARLO REFORSADO)
SINAMPAHAN na ng kaso ng pulisya kamakalawa ng hapon ang dalawang suspek sa madugong pambobomba sa South Seas mall sa Cotabato City na ikinasawi ng dalawa katao at ikinasugat ng 34 na iba pa.
Ayon kay Chief Supt. Eliseo Tam Rasco, Police Regional Office (PRO) 12 Director, sinampahan na ng kaso ng Special Investigation Task Group (SITG) SOUTHSEAS ng kaso ang dalawang suspek na sina Salipudin Lauban Pasandalan, na naaresto na ng pulisya at isang alyas Saed Nur Kasim na pinaghahanap pa ng pulisya.
Ang pagsampa ng kaso sa mga suspek ay base sa naganap na pambobomba noong Disyembre 31 ng nakaraang taon sa harapan ng Sotuh Seas Mall.
Ayon kay Rasco, dakong alas 4:35 Miyerkoles ng hapon nang sampahan sa Prosecutors Office ng Cotabato City ng two counts of murder at 34 counts ng frustrated murder.
Samantala, ang naganap na pambobomba sa Cotabato City, ayon kay Rasco, ay naging malaking hamon sa awtoridad hindi lang sa lungsod ng Cotabato kundi na rin sa buong Region 12 at patuloy ang ginagawa nilang counter measure sa ikakatahimik ng rehiyon at upang hindi na maulit ang ganitong mga insidente.
150