BINASBASAN upang maging legal na mag-asawa ang isandaang pares sa ginanap na Kasalang Bayan sa lungsod ng Parañaque kamakalawa.
Ang okasyon ay inorganisa ng mag-asawang former Congressman Gus Tambunting at 2nd Dist. Parañaque City Rep. Joy Myra Tambunting habang si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez naman ang naggawad nang pagbabasbas sa mga ‘pinag-isang dibdib’ na sinaksihan din ng iba pang mga lokal na opisyal kabilang si 1st Dist. Parañaque City Rep. Eric Olivarez.
Tumayo namang ninong at ninang ang mag-asawang House Speaker Alan Peter Cayetano at Taguig 2nd Dist. Rep. Lani Cayetano na nagbigay ng payo sa mga bagong kasal na pairalin ang pagiging kalmado at huwag magtaas ng boses kahit gaano kainis o init ng sitwasyon dahil maaari itong magresulta sa hindi pagkakaunawaan at magdulot ng lamat sa pamilya.
“The family is the most important unit, ‘yan ang pinakamalaking regalo ng ating Panginoon sa atin… Walang magkakahiwalay bagkus magkaroon kayo ng mahabang married life, productive and very happy and joyful,” diin pa ni Cayetano.
Kasabay nito, nanindigan ang lider ng Kamara na hindi solusyon sa problema sa relasyon ng mag-asawa ang isinusulong na pagsasalegal ng diborsyo sa bansa, bagkus ito’y magdudulot lamang umano ng mas malaking problema para sa maraming pamilya. CESAR BARQUILLA
204