(NI DAHLIA S. ANIN)
SA boto na 20-0, aprubado na sa Senado sa ikatlong pagkakataon at huling pagbasa ang batas na nagdadag ng buwis sa sigarilyo.
Ang Senate Bill 2233 ay nagmumungkahi ng dagdag na P45.00-P60.00 sa bawat kaha ng sigarilyo sa susunod na taon hanggang sa 2023 at magdaragdag ng 5% kada taon na magiging epektibo na sa Enero 24, 2024.
Ang mga sumusunod na iskedyul ay P45.00 taas ng presyo kada kahon mula Enero 1, 2020 hanggang Disyembre 30, 2020. Magdaragdag naman ng P50.00 sa Enero 2021, P55 naman sa Enero 2022 at P60.00 na ang dagdag-presyo nito sa Enero 2023.
Ayon sa Department of Finance, ang hakbang na ito ay maaring makatulong upang mapunan ang P40 bilyong budget para sa implementasyon ng Universal Health Care Law.
Ang mga Anti Smoking at Health Advocates naman ay itinutulak ang mas mataas na excise tax sa sigarilyo upang mabawasan ang mga tobacco related death case sa bansa.
Ayon sa kanila, mas mabilis ang pagtaas ng bilang ng paninigarilyo sa bansa ng 23% kesa sa ibang bansa kung saan matagumpay ang kanilang tobacco control initiatives.
Dahil sa pagsesertipika ni Pangulong Duterte na ‘urgent’, ang nasabing bill ay agad inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa kahit katatapos lang nila itong ipasa sa ikalawang pagbasa.
Karaniwang naghihintay muna ang Chamber ng tatlong araw pagkatapos ng ikalawang pagbasa bago ito isalang sa ikatlong pagbasa para maaprubahan.
Kung ia-adopt ng House of Representative ang bersyon ng Senado, hindi na kakailanganin pa ng batas na ito na isalang sa bicameral conference committee at ihahatid na lang ito sa Malacañang para sa pirma ng Pangulo.
Ang 17th Congress ay tapos na nitong Martes dahil idineklarang holiday ang June 5 bilang paggunita sa pagtatapos ng Ramadan.
Ang 18th Congress ay bubuksan sa July 22.
141