(NI BETH JULIAN)
WALANG nakikitang pangangailangan ang Malacanang para limitahan ang mga aktibidad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa labas ng Palasyo.
Sa kabila ito ng pagsisiwalat ng Pangulo na may nagbabanta sa kanyang buhay.
Sinabi ni Presidential spokesperson Atty. Salvador Panelo, sa pagkakakilala niya sa Pangulong Duterte ay wala itong takot mamatay.
Sa katunayan noong Miyerkoles ay may aktbidad ang Pangulo sa Puerto Prinsesa City, Palawan, para sa 31st Annual Convention of the Prosecutor’s League of the Philippines.
Ayon pa kay Panelo, may pagkakataon pa nga na tumakas ang Pangulo sa PSG subalit nasusundan naman agad ng mga security aide.
Kumbinsido naman ang Palasyo na ang mga pagbabanta sa buhay ng Pangulo ay galing sa mga grupo o sindikatong nasasagasaan ng kanyang kampanya kontra ilegal na droga at kriminalidad, kalaban sa politika o komunistang grupo.
Gayunman, tiniyak ni Panelo na hindi ito magiging hadlang para bawasan ang mga aktibidad ng Pangulo sa iba’t ibang panig ng bansa dahil mas gusto ng Pangulo na makahalubilo ang mga tao sa tuwing may dinadaluhan itong pagtitipon.
Una nang ipinaliwanag ng pamunuan ng PSG sa pamumuno ng Commander na si Col. Jose Erial Niembra, na tungkulin nilang protektahan at tiyakin ang seguridad ni Pangulong Duterte sa lahat ng pagkakataon, may banta man o wala sa buhay nito.
120