MGA GURO TAKOT MA-TOKHANG

tinio

(NI BERNARD TAGUINOD)

NABUKO ang “profiling” o paniniktik sa mga guro nang mag-iwan ang mga pulis ng kopya ng memoranda sa mga eskuwelahan na kanilang pinuntahan para alamin kung sino-sino ang mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).

Hindi maitago ni ACT Party-list Rep. Antonio Tinio ang pangamba na malalagay sa panganib ang mga guro na tiniktikan ng pulisya lalo na’t talamak ang pagsasampa ng mga walang batayang kaso at ang nangyayaring extrajudicial killings.

“Ang pangamba natin, ang pamamaraan ng tokhang, ang madugong giyera kontra droga ng Duterte administration ay dinadala na at nilalapat na sa mga itinuturing ng Duterte administration na kritiko at kaaway,” ani Tinio.

“Nagsisimula na nga dito sa pagbubuo ng mga listahan. Tapos ano ang susunod dyan? Maaring pagkatapos n’yan yung mga nasa listahan ipapatawag ng pulis tapos oobligahin na maglinis ng kanilang pangalan o kaya oobligahin na mag-surrender at kung hindi mag-surrender, puwedeng sampahan ng mga gawa-gawang kaso, taniman ng ebidensya at puwede pa ngang patayin tapos sasabihin na nanglaban,” dagdag ng mambabatas.

Naranasan na umano ito ng kanilang grupo noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macagapal Arroyo, partikular noong 2006 hanggang 2007, na nangyayari rin ang EJK, at dalawa sa kanilang myembro ang napatay.

“Dalawang leader ng ACT ang naging biktima ng extrajudicial killings (noong Pangulo si Arroyo) sa Quezon Province at Surigao del Sur, matapos ihanay sa so-called enemies of the states ang ACT,” ayon pa sa mambabatas.

7

Related posts

Leave a Comment