MGA LANSANGAN HINDI NAPARALISA SA TRANSPO STRIKE

HINDI masyadong naramdaman ang unang araw ng transport strike na ikinasa ng mga operator at tsuper nationwide dahil marami pa rin ang bumiyahe.

Ayon kay Joel Bolano, Technical Division Chief ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), 10 percent lamang ng ruta sa National Capital Region (NCR) ang naapektuhan habang 5 percent sa buong bansa.

Maliban sa NCR, bahagyang naapektuhan ang biyahe sa Region 4-A o Calabarzon subalit wala namang iniulat na stranded na mga commuter dahil agad nakapagpadala ng rescue vehicle ang mga Local Government Unit.

Nauna nang tiniyak ng Malakanyang na walang magiging aberya maliban sa kaunting ruta sa NCR sa gitna ng nagpapatuloy na transport strike.

Tinukoy ang mga ulat mula sa DOTr, LTFRB, MMDA at PNP, sinabi ng Malakanyang na sa pamamagitan ng Libreng Sakay program, nagbigay ang gobyerno ng libreng sakay para sa mga apektado ng transport strike.

Siniguro nito sa publiko na ang pamahalaan ay mayroong sapat na assets at mga tauhan para tugunan ang mga pangangailangan ng commuting public.

“As of 10am, ang EDSA Busway Carousel ay hindi pa naaapektuhan ng anomang transport strike activity, maayos ang operasyon na may mababang bilang ng mga pasahero sa lahat ng istasyon.

Pinangasiwaan naman ng Philippine National Police (PNP) personnel ang pagsakay sa mga pasahero mula Almar Subdivision sa Caloocan hanggang Quezon City.

Nag-deploy rin ang mga awtoridad ng mga sasakyan para ipagamit sa mga pasahero na may Dapitan-Baclaran route.

“As early as 4 a.m., inihanda na ng gobyerno ang mga bus para sa Libreng Sakay sa Pasay City, Marikina City, Caloocan City, at maging sa Quezon City.

Base sa report kahapon ng 7:15 ng umaga, ang EDSA Busway ay nananatiling normal na nag-o-operate na may “moderate to heavy volume” ng mga pasahero sa southbound mula north sector stations, MCU at Roosevelt.

Sinabi ng mga awtoridad na mayroong sapat na bilang ng mga bus sa ground para magbyahe ng stranded passengers.

Sa Calabarzon, alas-6 ng umaga, iniulat ng mga awtoridad ang kondisyon ng SM-Crossing Calamba Terminal sa City of Calamba sa Laguna.

Iniulat na may 30 stranded passengers sa terminal, idagdag pa na ang mga pampasaherong dyip na may Calamba-Biñan route ay nasa normal operation. Ang modern jeeps na bumibyahe sa Calamba-Pacita Complex route ay nasa normal operation din.

Tinatayang may 11 major jeepney at UV (utility vehicle) groups sa Kalakhang Maynila ang naunang sumalungat sa planong transport group strike na pinangungunahan ngayon ng Manibela, isang alyansa ng UV drivers at isang party-list group.

Sa isang panayam kay Mar Valbuena, chairperson ng grupong Manibela, sinabi nitong 80% ng pampublikong transportation sa Metro Manila at Central Luzon ang naparalisa sa unang araw ng tigil-pasada at pinaka apektado aniya ang mga ruta sa Quezon City at Maynila.

Ani Valbuena, layon ng tigil-pasada na ipakita sa gobyerno kung gaano karaming jeepney drivers at operators ang maaapektuhan ng jeepney phaseout.

Nilinaw naman ni Valbuena na bukas ang kanilang grupo na iatras ang tigil-pasada kung makikipag-dayalogo mismo sa kanila si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ikinokonsidera naman ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) na tagumpay ang kanilang unang araw ng protesta dahil naparalisa anila ang 90 percent ng biyahe ng jeep sa Metro Manila.

Ayon sa Piston, alas-10:00 pa lamang ng umaga ay wala nang jeep at UV express na pumapasada sa ilang ruta sa Navotas hanggang Divisoria, Recto, Monumento, Malabon, Pateros-Pasig at Zapote-Paliparan habang may 99.9 percent ng jeepney ay hindi pumasada sa kahabaan ng E. Rodriguez na may rutang Cubao-Quiapo, Kalaw-Project 2-3.

Ayon sa Piston, karamihan ng mga ruta ng jeep at UV express ay paralisado tulad sa ruta ng Baclaran Metrobank- 90%; Novaliches-Blumentritt- 80 percent paralisado, Pasay -90%; Palapala-Imus -70%; Los Baños-Calamba -95%; Calamba – 80%; Cabuyao -95%; Antipolo at Junction Crossing – 90% at Cogeo-Cubao-80 percent.

Extended pasada

Kaugnay nito, handa ang railway lines na i-extend ang kanilang biyahe ngayong Lunes para pagaanin ang epekto sa public commuters ng week-long transport strike.

Sinabi ni Undersecretary for Railways Cesar B. Chavez na handa ang railway lines na i-extend ang kanilang mga byahe kabilang na ang Philippine National Railways (PNR), Metro Rail Transit-3 (MRT-3), at Light Rail Transit Lines 1 at 2 (LRT-1 and 2).

“The PNR now has 14 trainsets from seven in August 2022. With the transport strike it will extend its operation by adding 14 trips today, March 6, making the total trips to 60 from 46,” ayon kay Chavez, tinukoy ang report mula sa PNR management.

“It will also add one trip from Tutuban Station and extend its trip departing at 8:46 p.m. from 7:46 p.m., ” ani Chavez.

“The MRT-3, though in normal operation, is ready to extend its operation for the last trip from North Avenue Station to 10:00 p.m. from 9:30 p.m. and from Taft Avenue Station to 10:41 p.m. from 10:00 p.m., when necessary,” aniya pa rin.

Bulacan transport
group hindi lumahok

Sa kabilang dako, ipinag-utos ni Gobernador Daniel R. Fernando sa Philippine National Police (PNP) sa Bulacan ang pagprotekta sa mga Bulakenyong tsuper at operator ng dyip matapos ang pahayag ng Bulacan Federation of Jeepney Operators and Drivers Association (BFJODA) at iba pang jeepney transport group sa lalawigan na hindi sila makikiisa sa tigil-pasada sa buong bansa mula Marso 6 hanggang 12, 2023.

“Noong Biyernes ay nagkaroon po tayo ng pag-uusap kasama si Provincial Director PCol. Relly B. Arnedo. Atin pong inatas ang pagbibigay prayoridad sa kaligtasan ng mga drayber na patuloy pa ring papasada para sa mga mananakay na Bulakenyo. Poposte po ang ating kapulisan sa ating kakalsadahan upang matiyak po ang kapayapaan sa buong lalawigan,” anang gobernador.

Sa inilabas niyang Memorandum GO-03052023-70, binigyan din ni Fernando ng opsyon ang larangan ng edukasyon sa lalawigan na magsagawa ng klase online sa panahon ng tigil-pasada.

Samantala, magbibigay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng libreng sakay sa mga ruta sa lungsod ng Malolos patungong hangganan ng Calumpit-Apalit, at lungsod ng Malolos patungong hangganan ng lungsod ng Meycauayan-Valenzuela. Nanawagan din ang gobernador sa mga punong bayan at lungsod na tumulong sa paghahatid ng mga pasahero sa kanilang mga nasasakupan.

Tuloy naman ang operasyon ng Pamahalaang Panlalawigan habang sinusubaybayan ang epekto ng paghinto ng mga biyahe ng dyip.

Ibinigay rin ni Fernando ang pagpapasya sa pagkakansela ng trabaho sa mga pribadong tanggapan sa kani-kanilang tagapamahala. (CHRISTIAN DALE/PAOLO SANTOS/ELOISA SILVERIO)

270

Related posts

Leave a Comment