MGA SANGKOT SA EJK PINAKAKASUHAN SA DOJ

NAGPASAKLOLO na sa Department of Justice (DOJ) ang mga mambabatas na masigasig nag-iimbestiga sa mga sangkot sa extra-judicial killings ng administrasyong Duterte.

Ito ay makaraang kapwa hinimok nina Manila Congressman Bienvenido “Benny”Abante at Laguna Rep. Dan Fernandez ang DOJ na gamitin ang mga impormasyon nakuha ng Quad committee sa paghahain ng kaso laban sa mga responsable sa EJK.

Ayon kay Abante, chairman ng House Committee on Human Rights, bagama’t hindi maaaring maghabla ang Quadcom, maaari namang aksyunan ng DOJ ang kanilang mga natuklasan sa pagdinig.

Tinatayang 12,000 hanggang 30,000 ang nasawi sa Duterte drug war batay sa datos ng International Criminal Court.

Ipinunto naman ni Fernandez ang konsepto ng command responsibility na nakapaloob sa Republic Act (RA) No. 9851.

“Dun sa 9851 kase kinaklaro doon ‘yung defining and ‘yung mga penalizing nung mga acts against international humanitarian law, genocide at saka ‘yung crimes against humanity,” sabi ni Fernandez.

Ang pag-ako ng responsibilidad at pag-amin umano ni Duterte sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee ay maituturing na command responsibility.

Sabi pa niya na bilang Commander-in-Chief, may pananagutan si Duterte sa ibinigay nitong utos na nauwi sa EJK.

Samantala, walang nakikitang dahilan si Senate President Francis Chiz Escudero para hindi bigyan ng kopya ang International Criminal Court (ICC) o kahit sinoman ng transcript ng naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee kaugnay sa war on drugs.

Sinabi ni Escudero na isinapubliko na nila ang transcript at maaaring kumuha ang kahit na sino dahil ito ay maituturing na public documents.

Kasabay nito, kinumpirma ng Senate leader na wala silang balak tanggalin sa records ng pagdinig ng Senado ang mga naging pagmumura ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinaliwanag ni Escudero na batay rin sa eksplanasyon ni Senador Koko Pimentel, bahagi ng narration ng dating Pangulo ang mga pagmumura niya.

Muli ring ipinaalala ng lider ng Senado na ang lahat ng testimonya ng dating lider ng bansa ay kanyang pinanumpaan salungat sa mga sinasabi ng mga tagapagtanggol niya na biro lamang ang mga ito. (JULIET PACOT/ DANG SAMSON-GARCIA)

29

Related posts

Leave a Comment