“MIDNIGHT DEAL” PROJECT NI ARROYO NABUHAY SA KAMARA

BINUHAY sa mababang kapulungan ng Kongreso ang P8.7 billion Laguna Lake Rehabilitation Project, na umano’y isa sa ‘midnight”deal ni dating pangulo at ngayo’y Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Sa pangunguna ni Laguna Rep. Dan Fernandez, chairman ng Technical Working Group (TWG) ng House committee on ecology, sinimulan na ang deliberasyon sa kanyang House Resolution (HR) 376 na muling tingnan at ikonsidera ang nasabing proyekto.

Magugunita na bago bumaba bilang pangulo si Arroyo noong 2010 ay inaprubahan nito ang nasabing proyekto kung saan ang kontrata ay ibinigay sa Belgian Company na Baggerwerken Decloedt En Zoon (BDC).

Base sa nasabing kontrata, ang BDC ay magsasagawa ng dredging sa may 94,900-hectare na Laguna de Bay at nagkakahalaga ito ng P18.7 billion.

Gayunpaman, ibinasura ito ni dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III dahil bukod sa wala umanong scientific study ang proyekto, ang lupa na tatanggalin sa ilalim ng Laguna de Bay ay ililipat lang sa ibang bahagi ng ilog.

Bukod dito, itinuturing ni Aquino na ‘midnight deal” ni Arroyo ang nasabing proyekto dahil inaprubahan niya ito bago siya bumaba sa Malacañang noong 2010.

Dahil dito, pinagmulta ng International Center for the Settlement of Investment Disputes (ICSI ) ang gobyerno ng Pilipinas ng P800 million sa pagkansela ng nasabing proyekto.

Ayon kay Fernandez, mula nang ibasura ni Aquino ang nasabing proyekto ay walang ibang aksyon gayung kailangang matuloy ang dredging project sa Laguna de Bay na mahalaga aniya para maibsan ang matinding pagbaha sa Metro Manila kapag panahon ng bagyo.

Bukod dito, kailangan ang dagdag na supply ng tubig at mahalaga ang papel dito ng Laguna de Bay kaya dapat aniya itong malinis at maisaayos. (BERNARD TAGUINOD)

117

Related posts

Leave a Comment