(NI NOEL ABUEL)
IKINAGALAK ng ilang senador ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang Murang Kuryente Act na inaasahang magbibigay ginhawa sa taumbayan.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, malaking tulong sa taumbayan ang paglagda sa nasabing batas ng Pangulo lalo at mataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
“Magiging abot-kamay na ng bawat Pilipino ang mas mababang kuryente na kay tagal nang pinapangarap ng bawat isa sa atin ngayong nilagdaan na ang Murang Kuryente Act,” aniya.
“Nagpapasalamat ako kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa wakas ay matutuldukan na rin ang paghihirap ng bawat power consumer sa pagpasan ng utang ng Napocor na siyang ipinapasa sa tao sa pamamagitan ng universal charge sa stranded debts (UC-SD) at stranded contract costs (UC-SCC) na bahagi ng singil sa atin sa kuryente,” sabi pa ni Gatchalian.
Sinasabing sa mga susunod na buwan ay makakaaasa nang matatanggal ang UC-SCC at UC-SD sa mga electric bill ng bawat pamilya.
Ang mga pamilyang kumukonsumo ng 200kWh kada buwan ay makakaasa na magkakaroon ng ₱172 na kaltas sa electric bill kada buwan na katumbas ng dagdag na 3 o 4 kilo ng bigas kada buwan o isang kaban kada taon.
“Ang pagpasa ng batas nito ay isang malaking tagumpay ng bawat Pilipino consumers tungo sa mas abot-kayang kuryente para sa lahat,” ayon pa sa senador.
101