NCRPO binatikos, kumambyo HOME VISIT NG PNP SA JOURNALISTS STOP NA

INIHINTO na ng pulisya ang pagbisita sa tahanan ng mga mamamahayag matapos umani ng batikos at pangamba ang naturang aksyon kamakalawa sa isang TV reporter.

Kasabay nito, humingi ng paumanhin ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagbisita ng isang pulis sa bahay ni JP Soriano ng GMA News noong Sabado.

Sa Twitter unang inihayag ni Soriano ang pangyayari.

Kwento niya, nagulat siya nang magtungo sa kanyang private residence ang isang nagpakilalang pulis na hindi naka-uniporme at sinabing inutusan umano itong kamustahin at alamin kung nakatatanggap siya ng mga pagbabanta.

Maayos naman aniyang nakipag-usap ang pulis at nagpakita rin ito ng ID.

Paliwanag ni NCRPO chief Brigadier General Jonnel Estomo, pakay ng pagbisita na kumuha ng impormasyon kung nakatatanggap ng mga pagbabanta ang mga miyembro ng media kasunod ng nangyaring pagpaslang sa radio broadcaster na si Percy Lapid.

Paraan aniya ito ng pulisya upang makapagbigay ng security assistance sa mga mamamahayag at kanilang pamilya kung kakailanganin.

Gayunman, humingi ng paumanhin ang NCRPO dahil sa alarmang idinulot nito at inutusan ang iba pang mga pulis na itigil ang ginagawang pagbisita.

Iniimbestigahan na rin nila ang insidente kung saan ipinatawag na ang pulis na nagtungo sa bahay ni Soriano.

Isa sa mga umalma sa nasabing aksyon ng PNP ang National Union of Journalist of the Philippines (NUJP).

Sa inilabas na statement ng NUJP, nagpahayag ng pagkabahala ang grupo sa pagbisita ng mga pulis sa bahay ng mga mamamahayag nang wala munang pasabi.

Bagama’t maganda ang hangarin, mainam anila na gawin na lamang ang pakikipag-usap sa newsroom o sa mga press corps, press club at mga organisasyon ng mga journalist sa NCR.

“While the National Capital Region Police Office’s statement that they would reach out to journalists in the wake of the murder of Percy Lapid is welcome and encouraging, the National Union of Journalists of the Philippines is concerned at reports of police officers visiting colleagues in their homes and without proper coordination,” saad ng NUJP.

“Assuming good faith, these meetings and dialogues are best done through newsrooms or through the various press corps, press clubs, and journalists organizations in the capital,” ayon pa sa grupo.

Nito lamang Oktubre 3 ng gabi, pinaslang si Percival Mabasa o Percy Lapid ng mga armadong riding-in-tandem malapit sa kanyang tirahan sa Las Piñas City.

Ginawa Na Rin
Sa Mga Guro

Kinondena rin sa mababang kapulungan ng Kongreso ang walang pasabing pagbisita ng mga pulis sa bahay at opisina ng mga mamamahayag na unang ginawa umano sa mga public school teacher na kalaunan ay nired-tag.

“Nakakabahala ito kasi ganito din ang ginawa sa mga teachers na pinuntahan sa bahay pero pino-profile na pala sila. Kasunod naman nun ay tumindi na ang red-tagging sa mga guro,” ani Alliance of Concerned Teachers (ACT) party-list Rep. France Castro.

Hanggang ngayon ay nakararanas umano ng harassment ang mga guro tulad ng mga miyembro ng ACT sa Masbate na kapag dumadalo sa kanilang pulong ay binibisita umano sila ng Army at pinipilit na kumalas sa nasabing organisasyon.

“Nakakalungkot na ginagawa pa din ito ng mga pulis at militar ‘di lang sa mga guro pati na din sa ibang tao at organisasyon,” ani Castro.

Isa pa sa mga estilo umano ng mga otoridad ay ang mga barangay official ang pinapupunta sa bahay ng mga kilalang aktibista tulad ni Renato Reyes, secretary general ng Bayan Muna para matiyak ang mga detalye sa kanya.

“The problem with these supposed ‘visits’ though are they are not mere visits because by doing so they are illegally accessing and/or disclosing and/or using personal information, including sensitive personal information like residence and political leanings, perceived or actual, of the people they are supposedly ‘visiting’,” dagdag pa ni Castro.

Nang magreklamo si Soriano, may ilang grupo ng mamamahayag ang nagkumpirma na may mga pulis na bumisita rin sa kanilang tanggapan.

(JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)

137

Related posts

Leave a Comment