(NI DANG SAMSON-GARCIA/PHOTO BY DANNY BACOLOD)
PINANGALANAN na ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa pampublikong pagdinig ang mga tinutukoy nitong ‘ninja cops’ o mga pulis na nagrecycle ng nakumpiskang droga sa operasyon noong 2013 sa lalawigan ng Pampanga.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado hinggil sa mga iregularidad sa Bureau of Corrections na napunta sa isyu ng ninja cops, tinukoy ni Magalong sina Supt. Rodney Raymundo Louie Baloyo; Sr. Insp. Joven De Guzman Jr.; SPO1 Jules Lacap Maniago; SPO1 Donald Castro Roque; SPO1 Ronald Bayas Santos; SPO1 Rommel Munoz Vital; SPO1 Alcindor Mangiduyos Tinio; SPO1 Dante Mercado Dizon; SPO1 Eligio Dayos Valeroso; PO3 Dindo Singian Dizon; PO3 Gilbert Angeles de Vera; PO3 Romeo Encarnacion Guerrero at PO2 Anthony Loleng Lacsamana.
Maliban kina Santos at Vital na pinaisyuhan ng subpoena ni Blue Ribbon Committee Chair Richard Gordon, present sa pagdinig ang lahat ng mga tinukoy ni Magalong.
Isinalaysay ni Magalong ang pagkakasangkot ng mga sinasabing pag-recycle ng droga sa isinagawang buy bust operation noong November, 2013 sa lalawigan ng Pampanga kung saan batay sa report ng grupo, nakumpiska ang 30 kilo ng shabu at naaresto ang isang Chinese national.
Ayon kay Magalong, sa kanilang imbestigasyon, lumitaw na nasa 200 kilo ng shabu ang nasabat ng grupo; may P50 milyon na cash at pinalitan ang nasakoteng dayuhan.
Sa mga panahong iyon, ayon kay Magalong, bumaha ang droga sa Central Luzon at bumaba ang presyo nito hanggang P4 na milyon kada kilo.
Sa pagtatanong naman sa leader ng team na si Baloyo, iginiit nina Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson at Gordon na maraming inconsistencies sa mga sinasabi nito.
Isa sa pinuna ay ang oras ng operasyon na sa pahayag ni Baloyo ay isinagawa alas-4:30 ng hapon noong November 29, 2013 subalit sa mga dokumento kabilang na ang mga testimonya ng mga testigo ay alas-10:00 ng umaga ito ginawa.
345