‘No show’ sa Senado OCHOA IPASU-SUBPOENA SA ‘PDEA LEAKS’ INQUIRY

(DANG SAMSON-GARCIA)

IPASU-SUBPOENA ng Senado si dating Executive Secretary Paquito ‘Jojo’ Ochoa Jr. matapos nitong hindi siputin ang pagdinig kaugnay ng tinaguriang PDEA leaks.

Sa ikalawang pagkakataon ay absent si Ochoa Jr. dahil positibo umano ito sa COVID 19.

Dahil dito, sinabi ni Senador Ronald Bato dela Rosa na muli silang magtatakda ng pagdinig sa susunod na linggo upang bigyang pagkakataon si Ochoa na makadalo sa hearing.

Iginiit ni dela Rosa na mahalaga ang testimonya ni Ochoa makaraang mabanggit ito ni dating PDEA Agent Jonathan Morales na siya umanong humarang sa dapat na operasyon laban sa isang Bongbong Marcos at Maricel Soriano.

Samantala, tila nauwi sa komedya ang ikatlong pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa sinasabing PDEA leaks o ang paglabas ng confidential pre-operation report na nagsasaad ng umano’y pagkakasangkot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paggamit ng ilegal na droga.

Ito ay nang aminin ng isa sa mga resource person na si Eric Santiago na kathang-isip lamang ang lahat ng mga nabanggit niya kay Romeo Enriquez na dati ring miyembro ng PDEA na humaharang umano kay Morales na humarap sa Senado.

Si Santiago ang sinasabi ni Morales na nagbabala sa kanya na posible silang mapatay sa patuloy na pag-iingay at binanggit pa ang pangalan ni First Lady Liza Marcos.

Subalit sa pagharap ni Santiago, inamin nitong kathang-isip at gawa-gawa lamang niya ang lahat ng kanyang mga sinabi kay Morales upang makarating sa Senado at makapagharap ng mga dokumento.

Binobola lamang anya niya si Morales at si Enriquez upang maipatawag din sa Senado.

Sa kanyang opening statement ay nanawagan si Senador Jinggoy Estrada sa komite na maging maingat sa pagbeberipika ng mga impormasyong ipiniprisinta sa Senado at sa publiko.

Iginiit ni Estrada na kailangang manatili ang commitment ng Senado sa paglalabas ng katotohanan, hustisya at rule of law.

Sa gitna ito ng pagpuna ng senador sa mga pahayag ni Morales na wala namang maipakitang basehan.

Iprinisinta ni Estrada si dating PDEA director general Dionisio Santiago bilang surprise witness sa pagdinig.

Humarap din sa pagdinig ang drug analyst mula sa St. Lukes Medical Center Global City na nagpatotoo na maaaring lumabas ang resulta ng drug test sa loob ng 2 mins and 54 seconds.

Kinumpirma rin ng drug analyst na sila ang gumawa ng drug test kay dating senador at ngayon ay Pangulong Marcos Jr. noong 2021 kung saan lumitaw na negatibo ito sa paggamit ng cocaine.

40

Related posts

Leave a Comment