TUNAY NA LAYUNIN NG AO 22 NI MARCOS JR., PINAGDUDUDAHAN

BUMUO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang special committee para sa pangangalaga ng karapatang pantao ng mga Pilipino.

Ang pagbuo ng Special Committee on Human Rights Coordination ay upang maipatupad ang Administrative Order no. 22, na magpapabuti ng mga paraan sa pagsusulong ng proteksyon ng karapatang pantao sa bansa.

Ang special committee ay pamumunuan ng Executive Secretary at magiging Co-chairman ang kalihim ng Department of Justice. Miyembro ng komite ang mga kalihim ng Department of Foreign Affairs at kalihim ng Department of the Interior and Local Government, habang magsisilbing Secretariat ang Presidential Human Rights Committee (PHRC).

Ang ilan sa mga mandato ng espesyal na komite ay mag-imbestiga, magpanagot at mangalap ng mga ebidensya sa mga paglabag sa karapatang pantao ng mga ahensya na nagpapatupad ng batas.
Ang AO 22 ay pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Mayo 8.

Ang lahat ng mga ahensya ng pamahalaan, kabilang ang government owned and controlled corporations at local government units ay inaatasang magbigay ng suporta sa implementasyon ng AO 22.

Ngunit hindi pasado sa ilang grupo ang binuong super body, na sa tingin nila ay pampaganda lamang at hindi mapapabuti ang sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa.

Ayon sa Karapatan, walang masyadong maaasahan sa special committee, na isa umanong desperadong tangka para pagtakpan ang malubhang kalagayan ng human rights sa Pilipinas.

Sinabi naman ni Human Rights Watch senior researcher Carlos Conde sa kanyang post sa X, na ang bagong committee ay “fantastic on paper” ngunit nangangamba siya na ito ay magsisilbing propaganda arm lamang upang depensahan ang gobyerno laban sa mga akusasyon ng mga pang-aabuso sa karapatan.

Nasa pamahalaan ang lahat ng pagkakataon na palamigin ang mga akusasyong nagdududa sa pagbuo ng special committee.

Ang sinserong pagtugon sa karapatan ay papawi sa bintang na taktika lamang ang bagong komite para makaiwas ang pamahalaan sa pananagutan sa mga paglabag sa panahon ng sinundan at kasalukuyang administrasyon.

Hindi na kailangan ang special committee kung nais ng gobyerno na mapabuti ang kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas.

Sana ay ipatupad ang mahigpit na mga polisiya nang mabunot ang tunay na sistema na nagpapalala sa kondisyon ng human rights.

Bawat maling gawain ay kailangang may karampatang kaparusahan.

36

Related posts

Leave a Comment