PLANONG ibalik ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang truck ban at number coding scheme matapos madismaya sa pagpapapatupad ng bagong radio-frequency identification (RFID) sa North Luzon Expressway.
Inilarawan ng alkalde na “hindi nag-iingat at walang pakialam” ang pagpapatupad ng naturang sistema.
Ipinaghihimutok ng alkalde ang mabigat na daloy ng trapiko sa nasasakupan dahil sa luma nang vehicle sensors.
Bukod dito, ayon sa punong-lungsod, ipinarating na niya ang hinaing sa Metro Pacific Tollways sa loob ng pitong taon, ngunit wala namang nangyari.
CURFEW HOURS
BINAWASAN
Samantala, binawasan ang curfew hours sa Caloocan City para magbigay-daan sa nalalapit na pagsisimula ng Simbang Gabi.
Simula Disyembre 4, pinairal ang bagong curfew hours sa lungsod mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-3 ng umaga, batay sa Executive Order No. 045-2020 na pinirmahan ni Mayor Oscar Malapitan.
Mahigpit na tagubilin ni Malapitan at ng pamahalaang lungsod sa mga simbahan at mga dadalo sa Simbang Gabi na sundin ang IATF guidelines at ang health and safety protocols upang makaiwas sa COVID-19.
Patuloy naman ang paalala ng punong-lungsod na bawal pa ring lumabas ang mga edad 17 pababa at 65 taong-gulang pataas na hindi kabilang sa essential workforce. (ALAIN AJERO)
