OFWs SA IRAN, IRAQ ILILIPAT SA QATAR

IRAN-IRAQ

MAGSASAGAWA na nang evacuation ang gobyerno ng Pilipinas para sa mga Filipino na maiipit sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Amerika at Iran.

Sa isang panayam, sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na dadalhin ang mga Pilipinong makakasama sa forced evacuation mula sa mga bansang Iran at Iraq sa ligtas na lugar sa Qatar.

Isasakay ang mga ito sa barko patungong Qatar.

“Mandatory nga iyong evacuation eh kapag nagkaroon na ng sobrang putukan doon,” ayon kay Sec. Panelo.

Ang problema lamang aniya, karamihan sa mga Pinoy sa bansang Iran ay kasal sa mga Iranian kaya’t hindi mapipilit ng gobyerno ng Pilipinas na mailipat sa ligtas na lugar ang mga ito dahil siguradong poprotektahan sila ng Iranian government.

Sa Iraq naman aniya, ang mga Filipino roon ay nagtatrabaho sa military bases kaya’t medyo delikado sa mga ito.

Nilinaw ni Sec. Panelo na evacuation muna ang plano ng gobyerno dahil mahirap aniya na i-repatriate ang mga Filipino dahil baka mabaril ang mga ito kapag nagkaputukan.

BI inalerto

Samantala, ipinag-utos na ni Immigration Commissioner Jaime Morente sa lahat ng BI personnel sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang international ports na maghanda sa posibleng paglilikas ng mga OFW na manggagaling sa Middle East.

“I have directed our port operations division to see to it that adequate manpower is available to address a possible upsurge in the number of passengers arriving from the Middle East”, ani Morente.

Ayon pa sa opisyal, kung kinakailangan ay magtatalaga siya ng karagdagang tauhan sa airports at pansamantalang magtatalaga ng NAIA immigration officers na kasalukuyan ay nasa iba’t ibang ports at opisina ng bureau. (CHRISTIAN DALE at JOEL AMONGO)

228

Related posts

Leave a Comment