(NI NOEL ABUEL)
HINDI naniniwala si Senador Panfilo na sinadyang maliin nina Senador Leila de Lima at dating Senador Mar Roxas ang implementing rules and regulations (IRR) ng good conduct time allowance (GCTA) para mapaboran ang mga mayayamang inmates.
Gayunman, ipinauubaya na umano sa Ombudsman ang kahihinatnan ng dalawa.
Ito ang sinabi ni Lacson sa naunang pahayag ni Senador Richard Gordon na posibleng sinadya na maliin ang IRR para makinabang ang mga inmate at makakalap ng campaign funds subalit naharang ng Department Order 953.
“Too early to tell. Kasi sa ngayon wala namang nagpapakita na ‘yan talaga ang sadya. Kung ‘yan ang intended purpose dahil sila ang nagbalangkas, silang 2 ni Sec. Roxas ang nagbalangkas ng IRR, hindi natin alam. Ako hindi ko pag-iisipan si Sec. Roxas na siya kung sakali mang may intention na ganoon, na siya kaalam dahil kilala kong personal ang tao. Alam ko namang hindi siya papasok na makikipagkuntsaba para lamang mapagtakpan kung anuman ang anomalya sa ilalim ng pamumuno ng dating DOJ Sec. De Lima,” paliwanag pa ni Lacson.
Nasa kamay na aniya ng Office of the Ombudsman kung mapapanagot ang mga ito.
Nanindigan din si Lacson na hindi sinasadyang ma-focus ang pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights at Blue Ribbon Committee kay De Lima.
“Hindi naman nag-focus doon. Siyempre incidentally, hindi pwedeng maiwasan na mabanggit din ‘yan. Pero ang focus at ang purpose ng pag-imbita kay Dir. Ragos at kay Jovencio Ablen, para malaman ano ba ang ibang racket doon sa loob. Ito ba ay organized, ito ba hindi? Bukod sa GCTA for sale, ang hospital pass for a fee, ano pa ba mga ibang pinagkakakitaan at nalaman naman natin na marami pang ibang aktibidades na talagang pinagkakakitaan. At halos lahat, ito naman kumpirmado na rin ng present setup ng mga officials doon, na halos lahat kada galaw kada activity, talagang may bayad,” sabi ni Lacson.
170