(NI ABBY MENDOZA)
HINILING ng Makabayan Bloc sa Kamara na magbitiw na sa puwesto ang mga pulis na isinasangkot bilang ninja cops sa pangunguna ni PNP Chief Oscar Albayalde upang matiyak na walang magaganap na whitewash sa imbestigasyon.
Kasabay nito ay pinakikilos din ng Makabayan Bloc ang Office of the Ombudsman na magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot sa recycling ng illegal drugs.
“As part of the measures towards attaining justice for the thousands of victims of irregular tokhang operations, all those responsible must as soon as possible be held accountable with the full force of the law,” nakasaad sa House Resolution No. 416 na inihain ng Makabayan Bloc.
Una nang itinuro nina dating PNP Criminal Investigation and Detection Group chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong at PDEA Chief Aaron Aquino si Albayade na namagitan sa kaso ng 13 pulis mula sa Pampanga Police na sangkot sa recycle ng shabu noong 2013.
Iginigiit nina Bayan Muna Reps. Carlos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat, Gabriela Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Rep. France Castro at Kabataan Rep. Sarah Elago, ang pagbibitiw ng mga opisyal upang bigyang daan ang patas at credible na imbestigasyon sa drug recycling, nanindigan din ang mga mambabatas na malinaw na paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga ibinunyag ni Magalong sa Senate Inquiry.
150