OPENSIBA ILULUNSAD NG NPA BILANG PAGKILALA KAY JOMA

BAGAMAT nagluluksa, isang opensiba ang posibleng tugon ng Communist Party of the Philippines sa di umano’y paandar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa paghina ng kilusang makakaliwa sa pagpanaw ni Jose Ma. Sison.

Ayon sa Communist Party of the Philippines (CPP), pwede naman anilang patunayang mali ang AFP sa paraan ng paglulunsad ng panibagong opensiba, kasabay ng pagkilala sa “kabayanihan ng pumanaw ng lider ng komunistang grupo.

“We declare the following ten days as a period of mourning for the entire Party in order to give the highest possible tribute to Ka Joma… During this period of mourning, the NPA can stage tactical offensives against the rampaging fascist forces to defend the people,” ayon sa CPP Central Committee sa Twitter post ng Philippine Revolution Web Central.

Bilang pambungad, mag-aalay anila sila ng 21-gun salute pagsapit ng Disyembre 26 – ika-54 na anibersaryo ng pagkakatatag ni Sison sa rebolusyonaryong kilusan.

“Let us dedicate our Party’s upcoming 54th anniversary to Ka Joma’s memory, to celebrate his life and all the victories that we have achieved under his leadership and guidance,” saad sa Twitter post.

Nitong Sabado inanunsyo ang pagkamatay ng 83-anyos na CPP founder sa isang pagamutan sa Utrecht, The Netherlands bunsod ng karamdaman.

Pakikiramay
ng Makabayan bloc

Nagpahayag naman ng pakikiramay ang Makabayan bloc sa Kamara sa pagkamatay ni Joma sa edad na 83.

“The Makabayan bloc in Congress extends its condolences to the family, friends and comrades of Prof. Jose Maria Sison, founding chairman of the Communist Party of the Philippines, who passed away last night, December 16,” ayon sa statement ng Makabayan bloc sa Kamara.

Kabilang sa mga miyembro ng nasabing grupo sina Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, ACT party-list Rep. France Castro at Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

“Prof. Sison was a patriot and revolutionary who stood with the Filipino people against oppression, exploitation, and fascism during the Marcos dictatorship, was jailed and tortured as a dissident, but continued to side with the poor and marginalized until his death,” ayon sa nasabing grupo.

Hindi anila maitatanggi na nanawagan ng armed revolution si Sison sa hangaring makamit ang social justice at mapalaya ang bayan dahil bigo umano ang gobyerno na tugunan ang social injustice na naging dahilan para humawak ng armas ang mga tao.

Ayon naman kay dating Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao, hindi umano si Joma ang dahilan kung bakit hindi makamit ang tunay na kapayapaan kundi ang aniya’y mga ‘peace spoiler” sa pasistang gobyerno.

“Fascist regimes were the spoilers of peace, not Ka Joma,” ani Casilao.

Walang banta

Samantala, wala umanong natatanggap na banta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) mula sa CPP kasunod ng pagkamatay ni Joma.

Tugon ito ni Colonel Medel Aguilar, acting spokesperson ng AFP.

Hindi pa umano nila nakikita ang banta sa ngayon kaya walang dapat ikabahala ang publiko.

Sa katunayan, tuloy-tuloy aniya ang pagbaba ng bilang ng kasapi at tagasuporta ng CPP-NPA na karamihan ay nagbabalik-loob na sa gobyerno. (CREMA LIMPIN/BERNARD TAGUINOD)

32

Related posts

Leave a Comment