(NI NICK ECHEVARRIA)
NAKAHANDANG gumastos ng P1.13 bilyon ang Philippine National Police (PNP) para palakasin ang pagbabantay laban sa mga sindikato na patuloy na nagpapasok ng mga droga sa bansa sa pamamagitan ng mga baybayin.
Sinabi ni PNP spokesperson P/Col. Bernard Banac, gagamitin ang nabanggit na halaga sa pagbili ng mga karagdagang patrol boats at helicopter sa ilalim ng capability enhancement program ng PNP para sa epektibong pagpapatrulya sa 36,000 miles coastline ng bansa.
Nabatid din mula kay Banac na inaprubahan na ng PNP bids and awards committee ang pagbili ng 28 high-speed tactical watercraft na nagkakahalaga ng 336-milyon, kung saan 7 dito ang nai-deliver na at ginagamit na sa kasalukuyan.
Idagdag pa rito ang 18 pang high-speed tactical watercraft na kukunin sa 2019 procurement program, bilang kargdagan sa kasalukuyang maritime fleet ng PNP maritime group na binubuo ng 107 police rubber boats, 19 coastal craft, 25 fast boats, 4 na speed boats, at 10 gun boat.
Samantalang sa Agosto, nakatakda namang dumating sa bansa ang 5 single engine turbine at training helicopters sa halagang P798.38M bilang air-support sa maritime operations.
Una nang sinabi ni Banac na posibleng ginagamit na transshipment point ng international drug cartels ang Pilipinas matapos sunud-sunod na maglutangan ang mga bloke ng cocaine na narekober ng pulisya sa mga dalampasigan at baybaying dagat ng bansa.
116