(NI KEVIN COLLANTES)
AABOT sa mahigit P1.6 bilyon ang kakailanganin ng Department of Education (DepEd) para sa gagawin nilang pagpapalit ng daan-daang silid-aralan na napinsala ng serye ng malalakas na paglindol sa Mindanao nitong Oktubre.
Ayon kay DepEd Undersecretary at spokesperson Nepomuceno Malaluan, may 500 silid-aralan ang winasak ng tatlong malalakas na lindol na yumanig sa rehiyon noong Oktubre, habang may 700 classrooms pa ang matindi namang napinsala.
Sinabi ng opisyal na inaasahan na rin nilang madaragdagan pa ang naturang halaga ng pinsala dahil sa nagpapatuloy pa ang isinasagawa nilang assessment sa naging pinsala ng lindol.
Sa pagtaya rin ng opisyal ng DepEd, aabutin pa ng mahigit isang taon bago maitayo ang mga replacement buildings, na ang bawat isa ay nagkakahalaga ng P2.5 milyon, at kayang tagalan ang mga pagyanig at mga malalakas na bagyo.
Humingi naman na umano ang DepEd ng pondo mula sa National Disaster Coordinating Committee (NDCC) sa ilalim ng Office of the President para dito.
Sa ngayon naman aniya ay prayoridad muna nila na kaagad na maipagpatuloy sa lalong madaling panahon ang pag-aaral ng mga bata.
Gumagawa na aniya ng paraan ang kanilang mga field offices upang magkaroon ng temporary learning facility sa mga lugar kung saan nangangailangan nito.
Nauna rito, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na pinag-aaralan na nila kung maaaring gamitin ang sariling budget ng ahensiya sa pagkukumpuni ng mga napinsalang paaralan.
Gayunman, sa tantiya umano ng kalihim ay baka kulangin pa ang budget ng DepEd dahil mas marami ang kalamidad na dumating kumpara sa napagplanuhan nila, partikular na aniya ang serye ng mga lindol na tumama sa Mindanao.
172