(NI ABBY MENDOZA)
NAIS ng grupong Bayan Muna na ipaliwanag ng Malacanang ang sinasabing P1.7 T pork barrel na nakapasok sa 2020 P4.1 T national budget para kay Pangulong Rodrigo Duterte at mga alter ego nito.
Ayon kay Bayan Muna Chairman Neri Colmeranres ang nasabing pork barrel ay nakapasok bilang Special Purpose Funds nguit wala umanong line items na nakadetalye kung saan gagamitin ang nasabing pondo.
Hinamon ni Colmenares ang Pangulo na siya mismong maglinaw sa isyu dahil kung mabibigo ito ay ito na ang maituturing na pinakamalaking presidential pork barrel sa kasaysayan ng bansa.
“I hope that the Executive department can explain this because if not then the 2020 national budget may have the biggest presidential pork barrel on our country’s history. It is also in this light that I am asking Congress to scrutinize the national budget especially the Special Purpose Funds (SPF),” giit ni Colmenares.
Dahil sa ganitong mga napapabalitang insertions sa 2020 budget ay wala rin umano itong pinagkaiba sa 2019 budget na una nang nabunyag na maraming mga insertions.
Hinimok ni Colmenares ang mga mambabatas na busisiing mabuti kung saan mailalaan ang trilyong budget para sa susunod na taon.
Samantala, itinuring naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na isang Kill, Kill, Kill Program ang paglalaan ng pamahalaan ng P388 bilyon pondo para sa budget ng AFP at DILG.
Partikular na tinukoy ni Zarate ang P25 bilyon sa AFP Modernization program, ang P1.1 bilyon budget ng Philippine National Police na gagamitin para sa intelligence at counter intelligence operations; P110 milyon sa Philippine Anti Illegal Drugs Strategy ng DILG at ang P142.5 bilyon sa Police Patrol Operations at iba pang confidential activities.
“Ang pambansang budget ay sumasalamin sa kung anu-ano ang mga prayoridad ng gobyerno, at kung susuriin, napakalaking bahagi ng pondo ng gobyerno ay mapupunta sa mga programa at ahensyang pumapatay at lumalabag sa karapatan ng mamamayan,” paliwanag pa ni Zarate.
Umaasa si Zarate na mas malaking pondo ang ilagay sa pabahay at magpapaangat sa kalidad ng buhay ng mga mahihirap at hindi ang pagdagdag pa sa mga lumalabag sa karapatang pantao.
167