(NI BERNARD TAGUINOD)
KUNG dati ay pina-park (parking) ang pork barrel, ngayon ay mayroon nang tinatawag na ‘hanging pork’ na nagkakahalaga umano ng P1.79 Billion sa budget ng Department of Public Works and Highway (DPWH).
Natuklasan ito ng Mabakayan bloc sa Kamara nang busisiin ang P533, 496,624,000 budget ng DPWH sa susunod na taon kasabay ng pagsisimula ng debate sa plenaryo sa Kamara sa P4.1 Trillion pondo ng gobyerno.
Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, idineklara ng DPWH na P183,859,666,000 ang regional allocation para sa mga proyektong gagawin sa susunod na taon sa mga lahat ng rehiyon sa bansa.
Gayunman, nang sumahin ang halagang inilaan sa bawat rehiyon, lumalabas na umaabot ito sa P185, 653, 922,000 o may discrepancy na P1.79 Billion.
“This P1.79 billion ‘hanging pork’ could’ve been enough to build public hospitals, schools, and decent housing for the poor. But the DBM left it without any item under DPWH at the pleasure of the agency,” ani Brosas.
Dahil dito, humihingi ng paliwanag si Brosas sa DPWH kung saan gagamitin ang sobrang P1.79 Billion at kung sino ang makikinabang sa halagang ito dahil pera ito ng taumbayan kaya karapatan nilang malaman kung saan gagamitin ang kanilang buwis.
Naniniwala rin ang mambabatas na posibleng ito rin ang dahilan kung bakit winithdraw ang House Bill (HB) 4228 o General Appropriations Bill (GAB) noong nakaraang linggo subalit matapos ang pag-uusap ng liderato ng Kamara ay binawi ang iniatras na panukala.
“As the House of Representatives moves forward to the budget plenary debates, we call on the public to be more vigilant in keepin an eye on the persistence of pork barrel funds in various forms in the national budget,” ayon pa sa mambabatas.
172