(NI DAVE MEDINA)
SINAMPAHAN ng kasong graft sa Sandiganbayan ang mga opisyal ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ng Riles Network at United Filipino Consumers, Inc., dalawang samahan ng mga pro-rail commuters at anti-corruption advocates.
Tinukoy sa pagsasampa ng kasong graft sina LRT Administrator ex-General Rey Berroya, LRT operations officer Butch Laigo, at apat na iba pang mga LRT officers batay sa mga dokumentong nakuha mula sa Procurement Service ng DBM.
Kinakitaan ng mga ebidensyang hindi sumunod sa wastong bidding rules ang joint venture na pumabor sa supplier ng LRTA na si Yollee Ramos ngunit itinuloy pa rin ng naturang mga opisyal ng LRT ang award para sa maintenance contract.
Sinabi ni Sammy Malunes, ng Riles Network, na sa kabila ng malinaw na pagbagsak sa mga rekwisito ng bid proposal ng bidder na APT-Multi-Scan-Opusland Joint Venture, ay pinayagan ng mga opisyal ng LRTA ang “post qualification” ni Ramos
Masyado rin aniyang napakalaki ng halaga ng kontratang P1.8 bilyon kaya nararapat na matiyak na bawat sentimo ng tax payer ay mapupunta sa kwalipikadong kontratista na dumaan sa tamang legal na proseso ng bidding.
Samantala, nananalig si Rodolfo Javellana, ng United Filipino Consumers and Commuters, sa kalayaan ng pag-iisip at pagdedesisyon ng Ombudsman sa mga iniharap na ebidensya laban sa nabanggit na LRTA officials.
Pinuna nina Malunes at Javellana na ilang probisyon ng bidding document ang pumapabor sa umano’y nanalong bidder para sa maintenance contract.
130