MARCOS JR. ITINANGGING ‘MAY KAMAY’ SA ZUBIRI OUSTER

ITINANGGI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na siya ang may pakana at nasa likod ng pagpapatalsik kay Senador Juan Miguel Zubiri bilang Senate President.

Nabanggit kasi ni Zubiri na mayroong ‘outside forces’ ang nasa likod ng pagpapatalsik sa kanya bilang Senate President, sabay sabing nawala sa kanya ang nasabing posisyon dahil nabigo siyang sumunod sa instructions ng “the powers that be.”

Nang hingan ng komento ang Pangulo sa bagay na ito, sinabi niya na hindi siya sigurado kung ano at sino ang nais tukuyin ng senador.

“I guess if you’re Senate President, the only power that be is the President. So, I’m not sure what he is referring to. If that is a specific instance or just as a general principle, I don’t know. I haven’t spoken to him about it,” ayon kay Pangulong Marcos.

Nauna rito, nagbitiw si Zubiri bilang Senate President sa gitna ng bali-balita na kudeta laban sa kanyang liderato noong May 20, 2024.

Makalipas ang isang araw ay kaagad namang hinalal si Senador Chiz Escudero bilang bagong lider ng Senado.

Inamin ng Pangulo na ipinaalam sa kanya ni Escudero ang plano nitong i-take over ang Senate leadership bago pa isinagawa ang pagpapatalsik kay Zubiri.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na wala siyang kinausap na anomang partido sa bagay na ito dahil nagkataon na siya ay nasa ‘out of town’, natanggap na lamang aniya niya ang balita nang maupo na si Escudero bilang bagong Senate President nang bumalik siya sa Maynila mula sa out-of-town trip. (CHRISTIAN DALE)

38

Related posts

Leave a Comment