(NI BERNARD TAGUINOD/PHOTO BY RAFAEL TABOY)
SA halip tulungan ng gobyerno ang mga magsasaka na nalugi dahil sa Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law, ay tila ibinabaon pa ang mga ito sa utang.
Ito ang dismayadong pahayag ni Magsasaka party-list Rep. Argel Joseph Cabatbat kaugnay ng P15,000 na ibibigay umano sa mga magsasaka para tulungan ang mga ito na mapaunlad ang kanilang pagsasaka.
“Hindi naman yan ayuda, yan ang utang. Sila (magsasaka) ngayon ay baon na sa utang at ibinabaon pa sila ngayon sa utang,” ani Cabatbat kaugnay ng nasabing halaga na mula sa P10 Billion na Rice Competitiveness Enhancement Fund(RCEF) sa ilalim ng nasabing batas.
Sa press conference ng Minority bloc sa Kamara nitong Miyerkoles, sinabi ni Cabatbat na ang akala ng magsasaka ay tutulungan ng gobyerno ang mga ito upang mapaunlad sa ilalim ng nasabing batas.
Gayunpaman, babayaran umano ng mga magsasaka ang nasabing halaga kaya panibagong utang na lalong magpapaloob umano sa mga ito lalo na’t hindi sila makabangon dahil sa bagsak-presyo ngayon ng palay.
Maliban dito, sinabi ni Cabatbat na aabot lamang sa 100,000 sa 2.7 milyon magsasaka sa buong bansa ang mapapautang ng gobyerno sa pangunguna ng Department of Agriculture (DA), ng P15,000.
Sinabi naman ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite sa nasabing press conference na may mga report na bumagsak na ng P6 ang bawat kilo ng palay sa ilang lugar sa bansa.
Malayung-malayo na aniya ito sa P20 hanggang P22 na presyo ng palay bago naging batas ang Rice Tariffication Law noong Marso 2019 kaya lalong naglugmok umano ang mga magsasaka sa kahirapan.
150