P2-B PANUKALANG PONDO NG DENR PINALILIPAT SA PH CHILDREN’S MEDICAL CENTER

HINIMOK ni Sen. Raffy Tulfo ang mga kasamahan sa Senado na pagbigyan ang kanyang kahilingang tapyasin ang P2 bilyong pondo ng Department of Environment and Natural Resources para sa susunod na taon at ilipat sa Philippine Children’s Medical Center.

Ito ay makaraang ilarawan ni Tulfo ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga batang pasyente at maging ng mga doktor, nurses at medical personnel sa pagamutan.

Ilan sa binanggit ng senador ang sira-sirang mga bintana na tinatakpan lamang ng plywood, wasak-wasak na mga kisame, walang maayos na ventilation at kakulangan sa mga medical personnel.

Kaawa-awa aniya ang kondisyon ng mga batang pasyente na inaabot pa ng tatlong taon ang pag-aantay bago masimulan ang therapy.

Binanggit pa ng senador na kung ihahambing, halos kalahati lang ng comfort room sa Senado ang therapy room sa pagamutan.

Hinikayat din ni Tulfo ang mga kapwa senador na pasyalan ang pagamutan para makita ang sitwasyon sa pagamutan.

Sa kabila nito, saludo naman si Tulfo sa mga medical personnel ng naturang ospital dahil kahit mababa aniya ang sweldo ay tuloy-tuloy pa rin ang kanilang paghahatid ng serbisyo dahil sa pagmamahal sa kabataan. (DANG SAMSON-GARCIA)

187

Related posts

Leave a Comment