(Ni BERNARD TAGUINOD)
Ipinasa na sa committee level sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang P5,000 chalk allowance ng public school teachers sa bansa.
Walang tumutol nang aprubahan sa House Committee on Basic Education and Culture ang House Bill 474 o Teaching Supplies Act para maging P5,000 ang chalk allowance ng mga guro sa pampublikong paaralan kada taon.
Sa ngayon, P3,500 ang chalk allowance na ipinambibili rin ng eraser, forms at iba pang classroom supplies at materials, ngunit hindi ito kasya, ayon kay ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio.
“Now more than ever, public school teachers’ chalk allowance should be increased to P5,000. We urge the leadership of both houses of Congress to ensure the immediate passage of this measure,” ayon kay Tinio.
Nakapasa na sa Senado ang kahalintulad na panukala sa ikatlo at huling pagbasa.
Kaya, inaantay na lang ang plenary voting nito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso bago isalang sa Bicameral Conference Committee upang maratipikan at maging ganap na batas.
439