(NI BERNARD TAGUINOD)
HINAMON sa Kamara si Pangulong Rodrigo Duterte at ang kanyang mga economic managers na subukang mabuhay sa budget na P70 kada araw upang malaman ng mga ito ang tunay na kalagayan ng mga pobre.
Ginawa nina Gabriela party-list Reps. Emmi de Jesus at Arlene Brosas ang hamon matapos itakda ng Philippine Statistics Authority (PSA) na kailangan lamang ng isang pamilya na may 5 miyembro ang budget na P10,481 kada buwan para matugunan ang lahat ng kanilang pangangailangan.
Dahil sa halagang ito na itinakda ng PSA, bumaba umano sa 16.1% ang poverty incidents sa unang anim na buwan noong 2018 na mas mababa sa 22.2% sa parehong panahon noong 2015.
Sinabi ni Brosas kung hati-hati sa 5 miyembro ng isang pamilya ang P10,48 ay tig-70 kada araw lang ang budget ng mga ito na imposible umanong magkasya sa pagkain, renta sa bahay, pamasahe, gamot at kung ano-ano pa.
“Ang totoo, kulang na kulang yang P70 para makakain ng tatlong beses sa isang araw ang isang Pilipino sa taas ng presyo ng bilihin ngayon,” ani Brosas kaya para malaman nina Duterte at mga economic managers ang kalagayan ng mga mahihirap ay subukang mamuhay sa halagang ito.
Sinabi naman ni De Jesus na walang ina ng isang tahanan ang kayang pagkasyahin ang halagang ito lalo na sa ngayon na mataas pa rin aniya ang presyo ng mga bilihin lalo na ang pagkain.
Maliban aniya sa mga mayayaman, hirap na hirap aniya ang mga nanay ngayon sa pagbabudget sa kakarampot na kita ng kanilang asawa.
“What must be highlighted is the shrinking number of economically active Filipinos and the surge of discouraged workers who are not counted in labor statistics. Indikasyon ito ng malubhang problema sa kawalan ng disenteng trabaho,” ani De Jesus.
138