(NI BERNARD TAGUINOD)
KAILANGANG ihanda na ng mga kongresista sa National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRC) ang P750 million na ayuda para sa mga electric cooperatives (ECs) na tatamaan ng bagyong Tisoy.
Ginawa ni PHILRECA party-list Rep. Presley de Jesus ang panawagan dahil tiyak na maaapektuhan umano ang mga ECs ng bagyong Tisoy na may lakas na 140 kilometers per hour and gustiness na aabot sa 170 kph.
Habang isinusulat ito ay nanalasa ang bagyong Tisoy sa Bicol region kasing lakas umano ng bagyong Reming noong 2006 at Glenda noong 2014 na nag-iwan ng libu-libong patay na katao at sumira ng ari-arian at imprastraktura na nagkakahalaga P45 billion.
Ayon kay De Jesus, sa ilalim ng Republic Act No. 11039 o Electric Cooperatives Emergency Resiliency Fund (ECERF), naglaan ng P750 Million National Disaster Risk Reduction and Management fund.
Tulong umano ang nasabing halaga sa mga ECs na maaapektuhan at masisira ang pasilidad sa panahon ng kalamidad, hindi lamang bagyo kundi sa panahon ng lindol.
Bagama’t nananalangin ang mambabatas na hindi mag-iiwan ng matinding pinsala ang bagyong Tisoy sa mga imprastraktura at buhay ng mga mamamayan, kailangan aniya ng mga ECs ang tulong sakaling hindi maisawan ang pinsala.
Unang ipinaalala nina De Jesus at Rep. Godofredo Guya ng RECOBODA party-list ang nasabing halaga noong tamaan ng lindol ang ilang bahagi ng Mindanao kamakailan kung saan may electric infrastructure ang nasira.
205