(NI DANG SAMSON-GARCIA)
MALAKING halaga na ang nalulugi sa mga magsasaka ng palay sa bansa simula nang ipatupad ang Rice Tariffication Law dahil sa pagdagsa ng mga imported na bigas sa bansa.
Sa pagkwenta ni Senador Kiko Pangilinan, sa pagbagsak ng presyo ng palay ng P4 kada kilo, umaabot na sa P80 bilyon ang nawawala sa bulsa ng mga magsasaka.
“We produce 20 billion kilos of palay…. Kapag binenta ‘yan ng P21 per kilo, mapupunta yan sa bulsa ng ating magsasaka…. Kapag nagbawas ng piso sa 20 billion kilos, lumalabas na P20 billion ang mawawala sa bulsa ng ating magsasaka sa bansa,” paliwanag ni Pangilinan.
“Kung bumaba ng P4 nasa P80 bilyon na, malaking halaga na nawala sa bulsa ng mga magsasaka para sana sa panggastos sa araw araw na pangangailangan,” dagdag pa nito.
Kasabay nito, hinikayat ni Pangilinan ang pamahalaan na iprayoridad ang pagbibigay ng financial assistance sa mga magsasaka.
Iginiit ng senador na bagama’t may P10 bilyong Rice Competitiveness Enhancement Fund para sa mechanization sa ilalim ng batas, mas kailangan ng magsasaka ang agarang tulong pinansyal.
“‘Yung mechanization, totoo makatutulong ‘yun. Pero kailan ka pa makikinabang doon sa mechanization? At the earliest, baka one to two years. Pero ‘yung nawala sa bulsa, ngayon na ‘yun,” diin ni Pangilinan.
“Tsaka na natin i-mechanize. Unahin muna ‘yung direct cash assistance,” dagdag pa nito.
Inihain din ng mambabatas ang panukala upang amyendahan ang batas upang payagang gamitin bilang immediate cash assistance sa mga magsasaka ang P13 bilyong pondo.
Maaari anyang kunin ang tulong pinansyal sa fund balance na P4 bilyon ng P10 bilyong Rice Competitiveness Enhancement Fund sa ilalim ng unprogrammed appropriations ng 2019 national budget, at mula sa P9.19 billion collected bilang tariff revenues mula sa rice importation mula March 5, 2019 hanggang August 31, 2019.
212